Loading...
Loading...

Message at the Launching of Istorya ng Pag-asa in Puerto Princesa, Palawan

Office of the Vice President
12 August 2017
Puerto Prinsesa, Palawan
 
 
Vice Governor Victorino Dennis Socrates; Mr. Carlos Abogado, Assistant City Administrator, Puerto Prinsesa; Ms. Sharon Abiogonda, Board Member, Provincial Government; Bokal Joel Lumis Jr.; ang ating mga partners na kasama natin ngayon: Pilipinas Shell Foundation, Inc; Palawan Center for Appropriate Rural Technology; Environmental Legal Assistance Center, Inc.; Nagkakaisang mga Tribu ng Palawan; Asian Business Cabletow Cooperative Academy; Western Philippines University; Palawan National School; JCI Puerto Prinsesa Peacock Inc.; Palawan Cooperative Union; Society of St. Vincent de Paul; Alyansa ng Palawenyong Mamamahayag, Inc.; Radyo Pilipinas-Palawan; Haribon Palawan; Focolare; members of IP communities in Palawan; representatives of POs and NGOs; students; fellow workers in government; honored guests; ladies and gentlemen: magandang hapon po sa inyong lahat.
 
Masaya po lagi kapag nandito kami sa Palawan. Kanina po, kasama ko po si Governor during lunch, kaya lang padating si General Año kasi mayroon pong turnover of command ngayon. Sabi ko po kay Gov., kasi sabi ni Gov., for the fourth straight year parang kayo ang Best Island in the World. Sabi ko, madaya naman ang Palawan. Noong nagpasabog ang Diyos ng kagandahan, kayo lang yata ang gising.
 
Alam niyo po, ilang beses na po akong bumalik ng Palawan, pero hanggang ngayon, hindi ko pa rin nauubos puntahan ang mga magagandang tanawin. Pati po ang underground river, hindi pa rin ako nakakapunta. Siguro po, more than a dozen times na akong nandito. Ang problema lang po kasi, madalas dahil sa trabaho. Gaya po noong kampanya, siguro two or three times akong bumalik. Kaso wala pong panahon para mag-ikot.
 
Pero alam niyo po, sa dami ng magagandang tanawin na naabutan ko dito sa Palawan, mayroong isang lugar na talagang tumatak sa akin. Ang lugar po na iyon ay ang Agutaya.
 
Noong November po, pumunta ako sa Agutaya. Napakalayo po, 10 hours by boat from Coron. ‘Yong iba po naming staff, nanggaling sa Iloilo, 14 hours. Pumunta po kami sa Brgy. Diit.
 
Bago po kami pumunta doon sa Agutaya, may binisita rin po kami na isang barangay sa Culion, pero pareho po ang reception ng tao. Noong dumating po kami sa Brgy. Malaking Patag sa Culion saka sa Brgy. Diit sa Agutaya, napansin po namin na maraming umiiyak. Tinanong po namin kung bakit sila umiiyak, ang sabi po nila: “Masaya lang po kami kasi nabisita kami.” Bihira daw po kasi silang mabisita ng mga galing Maynila.
 
Pagpunta po namin sa Brgy. Diit, umikot kami. Sa aming pag-iikot, marami po kaming nakita. Isa sa mga nakita namin ‘yong paaralan; sira po ang isang building. Ang kuwento ng mga teachers doon, nasira ‘yon noong Yolanda. Medyo matagal-tagal na rin mula noong Yolanda, pero hindi pa ito naaayos. Wala ring kuryente ang buong Brgy. Diit at hirap rin po sila sa malinis na tubig. Kinikuwento po nila na ang hanapbuhay ng karamihan sa mga tao doon ay seaweeds, pero mula noong nasira ang kanilang patrol boat, natatalo na sila ng mga malalaking mangingisda.
 
Maraming pangangailangan, pero doon rin, nakilala namin ang isang bata, si Doy-Doy. Si Doy-Doy, nagulat po kami kasi ‘yong mga katabi niya pong mga bata, itong mga bata dito, mga Grade 1 po ‘yan. Pero si Doy-Doy, halos kasinglaki lang siya ng mga Grade 1, pero Grade 4 na po siya. Nakita po namin sunod, may mga Grade 5, parang halos pareho po ng size ang mga Grade 1. Kaya nagugulat po kami kung bakit halos pare-pareho ang size.
 
May kasama po kaming doktor, ang sabi po niya, stunting ‘yon. Ito po ang mahirap: ang stunting po parang ang uncommon term natin para sa “bansot.” Pero ang problema, kapag stunting, hindi lang po pala height ang affected. Pati rin po pala ang mental faculties. Ang nakakalungkot rito, ito sana ang mga batang productive, pero dahil stunted sila, very limited lang ang maaabot nila.
 
Umalis po ako doon na apektado, pero puwera po kay Doy-Doy, marami pa kaming nakakuwentuhan. Isa po doon si Rovelyn.
 
Si Rovelyn, isang polio survivor po siya na taga-Agutaya rin. Napaka inspiring po ng kuwento niya, kasi naghahabi siya. At dahil siguro konti lang naman ang nagiging customer niya, konti rin ang kaniyang kita. Pero patuloy pa rin siya sa paghahabi, kahit po isa siyang polio victim. Patuloy po siyang nagtatrabaho. Napag-aral niya ang kaniyang mga anak, at dito nila kinukuha ang mga pang-araw-araw nilang pangangailangan.
 
Pangatlong nakilala namin si Rolando. Si Rolando ay isang mangingisda. Noong nanalasa ang bagyong Yolanda sa kanila, nasira ang kaniyang ginagamit na bangka. Pero naghanap pa rin siya ng paraan para makapaghanapbuhay. Ang ginagawa niya, nakikisakay siya sa bangka ng kapitbahay na hindi nasiraan ng bangka, tapos hati sila sa kita.  
 
Pero alam niyo po, kahit ganyan kahirap ang buhay nila, noong kakuwentuhan ko sila, ang sasaya nila. Pero mula doon sa kuwento ni Doy-Doy, Rovelyn, at Rolando, parang umalis ako na nakatatak sa aking puso at isip ang mukha ng Agutaya: Isang maliit na isla kung saan may mga taong nangangailangan pa ng ating tulong. Dala-dala namin ang kanilang mga kuwento sa aming pag-alis. At hanggang ngayon, kinikuwento po namin parati kahit saan kami ‘yong mga nakita namin sa Agutaya.
 
At dahil sa mga kuwentong iyon—paminsan sa social media, paminsan sa kapag nagsasalita ako tulad nito—kinikuwento po namin, at marami na pong tulong ang dumating. Halimbawa, nagdala na po kami ng mga fishing boats doon. Tulong po ‘yon ng mga private citizens. Nagdala po kami ng mga school bags, school supplies, at toy library na bigay rin ng mga private citizens. Nagdala na rin po kami ng solar generator, bigay rin ng private citizens. Nakakatawa nga po, kasi pagdala po namin ng solar generator, siyempre hindi niya naman kayang ma-cover ‘yong buo di ba? So ang sabi namin kay Mayor, bahala na sila sa pag-share ng gamit ng generator. Paminsan itong community na to ang gagamit, tapos puwedeng ilipat-lipat na lang.
 
Noong umpisa, ang pakiusap po ng mga tao doon: “Kahit isang oras lang po kaming may kuryente.” Sabi po namin, bakit isang oras? ‘Yon po pala, ang gusto lang nilang mapanood ang “Ang Probinsyano.” Parang ‘yon po ang pinaka mahalagang gamit ng kuryente. Pero alam niyo ‘yon, tayo kapag nagbrownout, lahat nagrereklamo. Pero ang tao doon, ang pakiusap, isang oras lang, para lang makapanood ng “Ang Probinsyano.”
 
Kinikuwento ko nga po kay Gov na, kagabi lang, invited po ako sa isang malaking gathering ng mga negosyante, kasi 30th anniversary ng BusinessWorld. Ikinuwento ko na naman po ang Agutaya, may mga pinakita po akong mga pictures sa kanila. Noong palabas na po ako ng hall, may lumapit po sa akin na dalawa: ang isa, pangulo po ng American Chamber of Commerce. Nakikipag-meet na po sa amin kasi gusto nilang tulungan ang Agutaya. Ang isa pang lumapit din sa amin, ‘yong anak ni Senator Loren Legarda. ‘Yong pangalawa niyang anak, nasa isang company na nag-iinstall ng solar electricity. Sabi niya rin po gusto niyang makipag-meet kasi baka kaya nilang magbigay ng libre.
 
Bakit ko po ito kinikuwento sa inyo? Kasi ito po ang layunin ng Istorya ng Pag-asa. Na itong mga kuwento na nakakabigay ng inspirasyon, mga istoryang nagbibigay ng pag-asa, ito po ang mag-unite sa atin. I am sure marami sa inyo ang nasa social media, di ba? Kapag nagbukas kayo ng Facebook ngayon, ibang iba na sa Facebook noon. Kaya po tayo nasa Facebook kasi gusto natin maging masaya. Marami tayong nakikita na mga kaibigan. Pero in the last year or so, parang ang daming nag-aaway. Ang daming nagtitirahan, at ang daming nagsisiraan. Maraming mga magkaibigan ang magkaaway na ngayon.
 
Ang sa amin po, noong umpisa, naghahanap kami kung paano ba kami makakapag-contribute. Ang opisina namin, wala naman po kaming masyadong pondo. Ang lahat ng tulong namin, galing po sa private. Pero sabi namin, dito sa negativity at divisiveness, papaano ba makakatulong ang aming opisina?
 
Hanggang sa nakapag-attend po ako nitong November sa isang okasyon sa Ayala Museum. Ang pangalan ng okasyon, “Araw ng Pagbasa, Araw ng Pag-asa.” Doon po ako nakakuha ng ideya. Mayroon doong fineature na mga stories. Hindi ko po alam kung naalala niyo pa si Hidilyn Diaz, ‘yong Olympic medalist natin sa weightlifting. Isa siya sa mga fineature. Mayroon rin doon na fineature, si Nanay Lorna, isang turon vendor sa Quezon City. Dahil lang sa paglalako ng turon, napagtapos niya ang apat niyang anak. Mayroon na siyang teacher, nurse, abogado, at ang bunso niya po, intarmed student sa UP School of Medicine.
 
After po ako nag-attend noon, doon po ako nakakuha ng ideya. Bakit hindi tayo gumawa ng Istorya ng Pag-asa rin? Lalo na pong lumakas ang ating resolve na gumawa ng ganitong bagay dahil naimbitahan rin po ako sa isang pagtitipon ng mga kabataan. Ang title po ng pagtitipon nila, “Let us change the conversation.” Doon ko po natahi na mayroong Istorya ng Pag-asa, tapos mayroong “Let us change the conversation”, naisip ko siguro kung i-advocate natin ito, ito na ang paraan natin to change the conversation. From negativism, sa halip na makipagpatulan tayo sa Facebook, ‘wag na, hayaan na natin ‘yong mga negative. Imbis na mag-negative tayo, ito na lang ang mga ipost natin, mga stories of hope.
 
So far, gaining ground naman po. Nakaikot na kami sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas: galing na po kami sa Cagayan de Oro, nakapag-launch na po kami ng Istorya ng Pag-asa doon; sa Cebu, dalawa po ang launch, kasi nagrequest ang city, tapos nagrequest din ang province; siyempre sa Naga kung saan ako nanggaling; sa Quezon City po nagkaroon na rin sila ng okasyon sa isang distrito. May anim pong distrito ang Quezon City at naimbitahan po kami sa District 5 at mayroon na po siyang 42 na istorya ng pag-asa. Galing na rin po kami sa Pasay, Dumaguete, Baguio, at mayroon na rin tayong partner na mga schools. Partner po natin ang Xavier University sa Cagayan de Oro, at Siliman University sa Dumaguete.
 
Kung naiimagine po ninyo, kung makaikot na ito sa buong Pilipinas, ang pag-uusapan na ay mga positive stories. Ang pag-uusapan na, ‘yong sinasabi nating mga may hugot. Pero more than this, ‘yong hugot, nandoon ang pinanggagalingan rin na gustong maibalik. Ito po ang paying it forward, ‘yong gustong maibalik ang grasya na natanggap.  
 
Ngayong hapon po, mayroon po tayong dalawang Istorya ng Pag-asa dito sa Palawan, at kasama po natin sila ngayong hapon.
 
Ang pinakauna, si Ding Opinion. Si Ding po, isang self-employed na technician. Kababayan ko po pala itong si Ding, kanina ko lang nalaman. Ipinanganak siya sa Libmanan, Camarines Sur—taga doon po ako—pero lumapit lamang ang kaniyang pamiya dito sa Puerto Prinsesa noong 20 years old siya. Taga Palawan na siya, iniwan na niya kami. Mas gusto na ni Ding dito sa Palawan.
 
Pero siya po, sa edad na limang taong gulang, nagka-polio si Ding na naging sanhi ng pagkaputol ng isa niyang kamay. Na-paralyze ang kaniyang kamay. Pero kahit po ganito, hindi naging hadlang ang kapansanan sa kaniyang paghahanapbuhay at pagtulong sa kapuwa.
 
Paglipat po ng pamilya ni Ding dito sa Palawan, kasama ang kaniyang kapatid ay nag-aral siya ng pag-mekaniko. Bukod pa rito, nag-aral rin siya sa Alternative Learning Program ng DepEd. Nag-enroll sa Basic Electronics Course ng TESDA. Dapat ang kuwento ni Ding, marinig ng mga kabataan na ayaw mag-aral na wala namang kapansanan. Si Ding, may kapansanan pero napakasipag mag-aral. At hindi nga po nagtagal, nakapagtayo na siya ng sarili niyang electronics repairshop. Mayroon na po siyang sariling shop.
 
Sa paanyaya ng Bahatala Rehabilitation Center, nakapag-aral pa si Ding kung paano mag-assemble ng mga special na wheelchair para sa mga PWD. Ngayon, bukod sa pagiging technician, nagdidisenyo at nag-aassemble rin siya ng mga wheelchair para sa mga PWD na kagaya niya. Si Ding na rin po mismo ang nagtuturo sa mga PWD kung paano gagamitin ang mga wheelchair nila—ang ilan pa nga, sinasabing isa siya sa pinakamagaling na trainer, dahil siya mismo ay isang PWD. Kung titingnan niyo po ang wheelchair ni Ding ngayon, talagang kakaiba. Ngayon lang po ako nakakita ng ganyang wheelchair, at ‘yan ay imbento na ni Ding. Mamaya po, tingnan ninyo.
 
Napaka inspiring. Kaya gusto po naming kuhaan ng litrato kasi ipapakita po natin. Baka malay mo, isang hanapbuhay pa ito.
 
Kaya si Ding po, kung titingnan natin, kapag nakikita natin siya parang lahat tayo walang dahilan magreklamo. Wala tayong dahilan magreklamo kasi si Ding na mayroong kapansanan, sige pa rin nang sige. Hindi lang para sa sarili niyang pamilya, pero para rin sa kaniyang kapwa PWD.
 
Mayroon pa pong pangalawa, si Rogelio. Si Rogelio naman po, isa rin sa ating mga istorya ng pag-asa. Isa po siyang agri-entrepeneur na mula sa Palaw’an tribe.
 
Nagsikap si Rogelio na mapag-aral ang sarili ng high school. Pagkatapos nito, kumuha siya ng scholarship sa isang agriculture skills training program, kung saan nakapagtapos siya with honors, kasama na ang bronze medal para sa Academic Excellence Award. Kinilala rin si Rogelio bilang Best Entrepeneur ng kaniyang batch.
 
Pagkatapos ng kaniyang pag-aaral, bumalik si Rogelio sa kaniyang komunidad. Ginamit niya ang kaniyang kaalaman sa teknolohiya at ibinahagi sa kaniyang mga ka-tribo ang lahat ng kaniyang mga natutuhan. ‘Yon po ang kaniyang paying it forward. Hindi niya sinarili ang kaalaman, kundi itinuro rin sa kaniyang mga ka-tribo.
 
Nagsimula siya ng isang garden sa komunidad, at bumili ng lupa kung saan nagtanim siya ng iba’t ibang pananim, tulad ng palay at niyog. Ginawa niya itong demonstration farm na pinakikinabangan rin ng maraming tao sa kaniyang komunidad. Ito po ang gusto naming bisitahin. Titingnan namin ang demonstration farm ni Rogelio.
 
Napakalayo na nga po ng narating ni Rogelio. Ngayon, mayroon na siyang sarili niyang motorsiklo, mga hand tractors, mga threshers, tri-wheel, at mayroon na siyang maliit na rice mill. At ito pa po: Nasa anim na hektarya na rin ang lupang pinag-aanihan niya, na shini-share niya sa kaniyang community. Pinapahiram niya po ang kaniyang mga kagamitan sa kaniyang mga kasama, kaya nakakapag hanapbuhay rin ang kaniyang mga ka-tribo dahil sa tulong niya.
 
‘Yong kirot po sa puso natin, di ba? Parang maiiyak ka sa pagka-proud kay Rogelio saka kay Ding. Kaya kapag nababasa ito, tayo nga nata-touch tayo ngayon. Ang gusto natin, ang kuwento hindi lang hanggang sa atin. Gusto natin, ikuwento rin sa iba ang mga kuwento ni Ding at Rogelio, dahil ito ay patunay na kung tayo ay may sipag at tiyaga, sa matinding pananalig at tiwala sa sarili at sa Diyos, ang imposible nagiging posible.
 
Ang lahat ng ito, patunay na ang bawat kuwento ng Pilipino ay kuwento ng pag-asa. Ang mga kuwentong ito ang nagtutulak sa atin na ipagpatuloy ang trabahong ginagawa natin. Alam niyo po, parati akong tinatanong. Siguro po nababasa niyo naman ‘yong mga tinitira nila sa akin sa Facebook. Parati akong tinatanong: Ano ang reaksyon mo sa mga tira? Ang sabi ko naman po, “Alam niyo, kapag bumababa kayo sa mga communities gaya ng Agutaya, kung bababa kayo sa mga communities at makikita niyo ang mga tulad ni Ding at Rogelio, iintindihin mo pa ba ang mga tumitira sayo?” Parang ‘yong mga tumitira sayo, biglang wala na siyang saysay dahil may mas mahalaga kang nakikita. Mas marami ang trabahong kailangang gawin, para ‘yong mga nangangailangan ay matulungan natin. Imbis na makipag-away ka sa iba, itulong mo na lang.
 
Kung ano po ang pinagdaanan ko, ‘yon rin po ang gusto ko sanang maramdaman ng lahat sa atin. Marami tayong pinagdaraanan sa araw-araw, pero kapag narinig natin ang pinagdaraanan ng iba na mas grabe pa sa pinagdaanan natin, pero tingnan niyo naman kung nasaan sila ngayon. Bigla na lang hindi na mahalaga ang krus na dinadala natin. Kasi ang iba, may dala na mas mabigat na krus, pero sa katapusan, sila ay nagsucceed.
 
Kaya ito po ang pambihirang kapangyarihan po ng pagkukuwento. ‘Yong ma-evoke na pakiramdam, pareho ng pakiramdam na binigay sa atin ng mga istorya ni Ding at Rogelio. Kaya kanina, pinapakinggan ko si Ma’am, kinikuwento ‘yong mga plano para sa Palawan, na-excite po ako bigla. Alam niyo po kasi kahapon ng hapon, bago ako pumunta sa BusinessWorld, nakipag-meeting po ako sa Ayala Foundation, at pumayag po silang makipag-partner sa atin sa Istorya ng Pag-asa. Magkakaroon po tayo ng nationwide launch sa Ayala Museum, at hopefully ‘yong mga extraordinary stories na nakalap niyo dito, makakasali na doon. Ang target po natin doon, November 27 ang launch. Hindi na lang pang-Palawan si Rogelio at Ding. Hanggang Manila na, hanggang sa buong bansa na.
 
Ang usapan nga po namin, sa lahat ng malls iiikot natin. Magkakaroon rin po tayo ng short film festival, na i-fi-feature ang mga kuwento nila, gagawan ng short films, at ito ay ipapalabas rin po sa mga Ayala malls.
 
Ano ba ang pinaka objective natin dito? Palitan na natin ang mga masasama ng mabubuti. Palitan na natin ang negativism ng positivism. Palitan na natin ang mga awayan ng inspirasyon. Hindi tayo puwedeng magpadala na lang sa agos. Parati na lang tayong nagrereklamo na masama na ngayon ang kapaligiran, hindi lang sa Pilipinas kundi all over the world. Tayo na po ang bahala na palitan ‘yon; at ang Istorya ng Pag-asa, ito po ang isa sa mga vehicles na puwede nating gamitin.
 
Sa pagtatapos, mayroon pong sinabi si Aristotle, isang kilalang-kilalang philosopher. Sabi niya po: “Hope is a waking dream.” Nakita po natin ito sa mga kuwento ng mga indibiduwal na nakilala natin sa pag-iikot ng ating Istorya ng Pag-asa. Once we choose to believe, the impossible becomes possible. Ang pangarap lang noon, naabot na natin ngayon, at walang dahilan kung bakit ang mga pangarap natin, hindi rin natin maaabot.
 
Kaya dito po, nagpapasalamat po ako kay Sammy, sa malaking tulong. Kakabirthday lang niyan ni Sammy, kaya happy birthday sa iyo. Nagpapasalamat rin po ako sa provincial government, sa pangunguna po ni Governor Alvarez, Vice Governor Socrates, at ang buong provincial council, tsaka po ang ating mga masisipag at creative na mga partners.
 
Maraming maraming salamat po sa inyo, and I look forward po sa aking pagbabalik, sa atin pong launch dito ng Istorya ng Pag-asa.

Comments(0)

    Leave a Comment