Loading...
Loading...

10th Year Anniversary of the Sumilao March

11 October 2017
Sumilao, Bukidnon
10 October 2017

Magandang hapon! Maayong hapon!

Bago ako magpatuloy, pagbigay-galang muna sa mga opisyal na kasama natin ngayon. [Unahin] po natin ang congresswoman ng 1st District ng Bukidnon – siya po ang inyong congresswoman – palakpakan po natin, Cong. Malou Acosta-Alba; iyong [pangalawang] congressman ng Sumilao, palakpakan natin, Cong. Kaka Bag-ao; Cong. Bolet Banal ng 3rd District ng Quezon City; Cong. Tom Villarin ng AKBAYAN Party List; sabi ni Cong. Bolet kanina, Cong. Yoyong Merida – iyan ang congressman ng Panaw Sumilao; kasama din po natin, ang ama ng Brgy. San Vicente, palakpakan po natin, Kap. Peter Tuminhay; kasama din natin ang ating ABC President, Kap. Eric Gaguan; kasama din po natin, Sangguniang Bayan Member ng Sumilao, Jhun Dhee Leparto; Sangguniang Bayan Member ng Manolo Fortich, Jong Albarece; sa inyong lahat, hindi ko na iisa-isahan ang mga liders: magandang magandang hapon muli!

Alam ninyo po, ngayong araw, pang-apat na death anniversary ng tatay ko. Iyong mga nakaraang [taon], hindi ako pumunta rito sa inyo kasi umuuwi ako sa amin. Pero ngayon, nagpaalam ako sa nanay ko. Alam ninyo po, kami lang din ng nanay ko ang nandito. Nagpaalam ako na hindi na muna ako uuwi, kasi napakahalaga ng araw na ito para sa inyo.

Ito ang 10th anniversary ng Sumilao March. Naaalala natin, sampung taon na ang nakaraan. Parang ang bilis lang, ‘di ba? Parang nagkita-kita pa lamang tayo doon sa Naga. Tapos kapag tinitingnan natin iyong mga pictures natin, parang kailan lang. Tapos ngayon, sampung taon na pala.

Napakarami nang nangyari, sampung taon na ang nakakaraan. Pero ngayon, ika-20 taon din ng anniversary ng ating hunger strike. Kaya marami tayong ipinagdiriwang ngayong araw – 20th anniversary ng hunger strike, 10th anniversary ng Sumilao March.

Kanina, pinapakinggan ko si Bibing – ang layo na ng narating ninyo. Ilang beses na akong dumaan dito, ilang beses na akong sa inyo bumisita, bawat punta ko, mayroong bago.

Naaalala ninyo iyong pinakaunang punta ko rito, noong nagwala iyong kalabaw? Ninerbiyos si Yoyong at saka si Noland. Pati si Kaka, parang [kinailangang] uminom ng isang galo ng tubig pagkatapos. Wala pa iyang bakod na iyan. Naaalala ninyo dati? Parang dalawang taon mahigit lang ang nakakaraan.

Pero pagpunta ko rito noong nakaraang taon, ang dami nang bago. Lalo ngayong taon.

Marami tayong kailangang ipagsaya. Pinapakinggan ko si Bibing – 72 million pesos na ang ating capitalization, palakpakan natin ang ating sarili. Iyong ating CBU, 1.4 million pesos na. Sabay ni Kaka, “Ang taray!” Napakarami na.

Pero ang tanong, ngayong nagse-celebrate tayo ng ating 10th anniversary – hindi lang ito panahon para magsaya tayo, pero panahon din para mangarap muli. Panahon din para mangarap ulit, kasi pagkatapos ng sampung taon, nandito ulit tayo. Aalalahanin natin iyong mga nakaraan, pero ano kaya iyong pangarap natin kung nasaan na tayo, sampung taon pagkatapos ng araw na ito?

At kami po, malaking karangalan ng Opisina ng Pangalawang Pangulo na itong susunod na sampung taon, kasama na namin kayo. Aalalayan namin kayo. Ayan, si Cong. Kaka; parang hindi na nakahindi si Cong. Malou – na-highway robbery na. ‘Di ba, Sonny, na-highway robbery na si Cong. Malou, pero napakabait. Napakapalad ninyo sa inyong congresswoman.

Pero kami po, ‘di ba partners tayo sa Angat Buhay? Iyong Angat Buhay, ang naaalala ko, noong nakaraang taon, speaker natin si Noland. Ayun, palakpakan pala natin si Noland. Si Noland ay Chairman na ng PAKISAMA – talagang isang pagpupugay sa narating na ng Sumilao Farmers.

Pero ito, pagkatapos ng sampung taon, ano iyong pangarap natin? Ngayon, mayroon na tayong school building para sa Grade 1. Sabi ni Sonny kanina, “Gusto rin namin ng school building para sa daycare, para iyong mga bata, hindi na maglalakad nang malayo.” At saka maingay na raw doon sa dati. Isang pangarap iyon.

Kanina, tinatanong ko si Kap. Peter at saka iyong ating ABC President kung magkano iyong kita ng bawat hektarya. Ikinuwento nila, pero dapat hindi tayo nakukuntento, ‘di ba? Dapat naghahanap ng mas maraming paraan kung papaano pa dadami iyong ating kita. Kasi kapag dumami iyong ating kita, ang buhay ng bawat isa sa inyo, giginhawa rin.

Kaya iyong susunod na mga taon, susunod na mga buwan, iyong ang papangarapin natin nang sabay-sabay. Papaano ba tayo lalong uunlad? Papaano ba tayo lalong mangangarap, na kahit marami na tayong narating, mas lalo pa tayong mangangarap dahil iyong ating pinagdaanan, iyon ang magbibigay sa atin ng lakas. Hindi naman basta-basta iyong pinagdaanan ninyo.

Kanina, nasa sasakyan kami ni Cong. Kaka. Galing kami kina Cong. Malou sa Manolo Fortich. Sabi ni Cong. Kaka, nakakabilib kayo kasi walang bumitaw. Sabi ko sa kanya, sa tindi rin naman ng pinagdaanan ninyo, may bibitaw pa? Pero iyon ang kuwento ninyo. Sa oras ng kagipitan, magkakasama. Sa oras ng kaginhawaan, magkakasama.

Kaya siguro, iyon ang ipagpapasalamat natin ngayon – na hindi [bumitaw] ang bawat isa sa inyo noong dumadaan kayo sa kahirapan. Kaya walang dahilan, na ngayon na medyo mas maginhawa na iyong buhay, may bibitaw pa.

Ngayon, tinitingnan ko [kayong] isa-isa. Kanina, dumaan ako sa kubo. Tiningnan ko isa-isa. Mayroong pumayat, mayroong tumaba. Ayan nga si Jeje, kain nang kain ng mais! Hindi na siya kasintaba noong dati, ‘di ba? Bawat punta ko rito, tumangkad na [iyong mga bata]. Iyong mga anak ni Bajekjek, ganoon din. Dati mga baby pa, ngayon malalaki na. Si Aling Linda, hindi tumatanda.

Pero gusto kong sabihin, maraming taon na iyong nakalipas. Pero nandito pa rin tayo, nagsasakripisyo, nagpapasalamat sa lahat ng kaginhawaan.

Kaya ngayon, nagdiriwang tayo ng 10th anniversary ng Sumilao. Kanina, pinapanood natin sa TV iyong presentation. Pinapanood sa atin ni Sonny. Parang nagbalik-tanaw tayo ulit, ‘di ba? Nagbalik-tanaw tayo [sa] kahirapan na pinagdaanan. Pero ngayon, oras na para mangarap tayo ng mas malaki. Mayroon na tayong pera, mayroon na tayong gamit. Magkakasama tayo. Sabi nga ni Kaka, kasundo na natin iyong mayor. Lahat – kasundo na natin iyong congresswoman. Nandito kaming lima – anim pala, kasama si Cong. Yong – na mga opisyal ng national government. Walang dahilan, para hindi matupad ang ating mga pinapangarap.

Kaya ang pakikiisa namin sa inyo ngayong hapon. Pagsasabi rin sa inyo na kasama ninyo kami. Kung ano man iyong kahirapan noon, hindi na natin iyon pagdaraanan muli. Pero handa pa rin tayong magsakripisyo, kasi mas marami pa tayong pinapangarap.

Kaya maraming salamat sa muling pag-imbita ninyo sa akin. Bawat punta ko rito, isang napakalaking karangalan. Alam ninyo po, nagpapaalam ako sa mga anak ko na pupunta ako rito. Gusto [nilang] sumama. Gustong-gustong sumama lalo na iyong pangalawa, si Tricia. [Siya] iyong sumalubong sa inyo sa Maynila. Pero may exam kasi siya bukas. Sabi ko sa kanya, hindi ako puwedeng makabalik ngayong gabi kasi na kina Councilor Jong naman kami bukas. Mayroon naman doong mga ii-inaugurate na mga school buildings.

Pagkagaling dito, pupunta kami sa graduation. Iyong graduation naman, Angat Buhay activity na iyong partner natin, Shell Foundation. Ano iyong graduation na iyon? Tine-train iyong mga kasamahan natin, para mas maging mahusay na magsasaka, para mas maraming mga kaalaman iyong makuha. Para kung ano man iyong matutunan nila roon, ibabahagi sa inyo rito.

Marami pa tayong mga kaginhawaan na matatanggap sa mga susunod na buwan, kasi marami tayong partners na nagbibigay ng interes sa Sumilao dahil ipinakita ninyo na handa ninyong tulungan ang inyong sarili.

Kaya maraming maraming salamat. Maraming salamat sa inspirasyon na ibinibigay ninyo sa aming lahat. At sana, pagkatapos ng sampung taon, nandito ulit kami. Baka tunay nang congressman na noon si Cong. Yong. Palakpakan ninyo naman si Cong. Yong. Nandiyan iyong kanyang anak na napakasuwerte at kamukha ng nanay. Sabi ni Cong. Yong, siya raw ang kamukha. Tom, mayroon ka nang nakaabang na ino-nominate sa AKBAYAN.

Pero ito po, excited ako sa susunod na anniversary ninyo. Kasi sigurado, mayroon na namang bago. Mayroon na namang bago na puwede nating ipagyabang sa sarili natin.

Maraming salamat! Happy anniversary, magandang hapon muli sa inyong lahat!