Loading...
Loading...

Sipag at Tiyaga: Susi sa Magandang Kinabukasan

11 October 2017

Message at the Graduation of Farmers under Pilipinas Shell Foundation’s Integrated Farming Bio-Systems Training
Sumilao Municipal Gymnasium, Sumilao, Bukidnon, 10 October 2017

Bago po ako magpatuloy, pagbigay-galang po muna sa opisyal na kasama natin ngayong hapon. Sa pamumuno po ng aking kaibigan, magkasama po kami sa Kongreso noong nakaraan pong taon. Palakpakan po natin, Cong. Malou Acosta-Alba. Sabi ko po kanina sa San Vicente, napakapalad ninyo, kasi alam ninyo kung gaano kabait at kasipag ni Cong. Malou. Palakpakan po ulit natin.

Ito po, matino at mahusay. Noong nakilala na po namin siya, lalo kaming naging inspirado na tumulong sa Sumilao. Palakpakan po natin, Mayor Sonny Villo. At ang katuwang po ni Mayor Sonny, Vice Mayor Emily Okit. Magandang hapon po.

Ito po, matagal ko na ring kaibigan. Siya po ang nagdala ng programa sa atin. Matagal na rin pong tumutulong sa lahat ng mga ginagawa natin para sa mga mahihirap. Siya po ang Executive Director ng Pilipinas Shell Foundation. Palakpakan po natin, Mr. Ed Veron Cruz.

Hindi ko na po iisa-isahin, pero nandito po ang kaniyang mga kasamahan. Ang inyong mga trainers at mentors—maraming salamat po sa tulong na idinulot ninyo.

Ang atin pong mga graduates, 244 [na] galing sa sampung barangay ng Sumilao. Palakpakan po natin ang sarili natin.

Gusto rin po nating bigyang-galang. Nandito po sila sa unahan, ang atin pong mga Sangguniang Bayan ng Sumilao. Maraming-maraming salamat po sa pagsama sa amin ngayong hapon. At nasa likod po nila ang mga punong barangay ng Sumilao, palakpakan po natin. Kanina po, kasama na po namin si ABC doon sa San Vicente, saka si Councilor John. Ngayon po, kasama na natin ang halos lahat na konsehal saka mga punong barangay.

Nandito rin po ang mga kinatawan ng Department of Education; maraming salamat po sa inyo. At siyempre po ang inspirasyon ng ating mayor, Ma’am Villo. Sabi ko Ma’am kay mayor, malaking asset ka sa kaniya. Sana nag-aagree po siya sa akin.

Sa inyo pong lahat, magandang-magandang hapon pong muli.

Gaya po ng sinabi ni Ed, ito ay pangatlo nang area kung saan nagkaroon tayo ng graduation para sa Integrated Farming Bio-Systems. Ang isa po sa Camarines Sur kung saan ako galing. Ang pangalawa, sa Tampakan, South Cotabato. Ang pangatlo po, dito na sa Sumilao. Ito pong lahat ng ito ay Angat Buhay sites, at ang Angat Buhay po, siya iyong programa ng Opisina ng Pangalawang Pangulo para tulungan ang mga mahihirap.

Pero ako po, gusto ko lang sundan, sa pagpasalamat sa Pilipinas Shell Foundation. Sinabi po nila sa atin na wala naman silang hinihinging kapalit. Pero palagay ko po ang pinaka kapalit lang na puwede nating gawin para ipakita natin na nagpapasalamat tayo sa kanilang tulong, ay gamitin natin ang ating natutuhan. Kasi kung hindi po natin gagamitin ang natutuhan natin, parang sayang lang. Sayang lang ang ginastos ng Pilipinas Shell, sayang ang tinulong ng LGU ng Sumilao, kung hindi rin natin gagamitin.

Ito po, kaunting kuwento lang. Iyong mga [sumailalim sa] training po natin, ito po ay training noong ako po ay Congresswoman pa lamang. Ang mga nag-training po sa amin, inalagaan po namin sila pagkatapos ng training, inorganisa namin sila, kasi ang iba sa kanila, hindi pa organisado—pumasok po kami sa isang kasunduan kabahagi ang DSWD (Department of Social Welfare and Development), DA (Department of Agriculture) saka DAR (Department of Agrarian Reform). Mayroon po kaming inumpisahan na programa, ako po ang pinakaunang pilot dito sa Pilipinas. Ang tawag po sa programa, Partnership Against Poverty and Hunger. Ito po ay hango sa isang programa sa Brazil. Pero itong programa sa Brazil po ang pangalan niya, Zero Hunger program. Ito pong programang ito, basically, para talaga siya sa mga malnourished na mga bata. Pero iyong paniniwala kasi dito, ang mga malnourished na mga bata, hindi naman iyon magagamot sa feeding program lamang. Magagamot ito kung iyong mga pamilyang pinanggalingan nila, tulungan natin maiahon sa kahirapan. Kasi kahit tayo ay feeding nang feeding, kung mahirap pa rin ang pamilyang inuuwian nila, patuloy lang na magkakaroon ng mga malnourished na anak.

Kaya ano po ang naging konsepto? Iyong mga graduates po natin, ganito po, Integrated Farming Bio-Systems, naggrupo po namin sila sa labingtatlo. 13 na groups. Pumasok po kami sa kasunduan with DSWD na sinasabi po namin, baka puwedeng iyong feeding programs ninyo, sa mga magsasaka na namin bilhin ang mga ingredients na kailangan. Pumayag po ang DSWD, pero alam niyo po, hindi puwedeng bigla. Kaya ang unang taon po namin, 30 percent ng mga kailangan nila, binibili na nila sa mga magsasaka na tinutulungan namin. Kahit po 30 percent lang, malaking bagay na.

Kasi ang problema, kahit po kayo ay nagtatanim, lalo na kung medyo maliit lang, sabihin natin isang hektarya ang ating tinataniman, luging-lugi pa rin, di ba? Parang kakarampot ang income na nakukuha ninyo, kasi ang pagdala niyo pa lang sa bebentahan, magastos na. Kadalasan po, ang nakita natin, parang ang yumayaman yata, ang mga traders. Yumayaman ang mga middlemen, hindi ang mga magsasaka.

Ang gusto po natin, ngayon, sa programang ito, matulungan kayo na mabawasan na mismo ang mga traders. Kayo na mismo ang magte-trade ng inyong produkto.

Kaya ang konsepto po natin, ang DSWD, ang kaniya pong feeding program sa mga daycare centers, di ba, dina-download sa mga munisipyo ang pera? Pag-download po sa munisipyo, nakalagay na doon na ang obligasyon: 30 percent, bibilhin sa aming mga farmers.

Ito po, ang mga farmers naman, ang obligasyon nila, mayroon na silang kasunduan with DSWD na ang itatanim nila, iyong kailangan ng DSWD, para walang sayang. Kasi ang lahat na produce nila, binibili na ng feeding program sa kanila na mas mataas ang presyo, kasi hindi na siya dumadaan sa mga middlemen.

Ang pangalawa, doon po kasi sa amin—hindi ko alam kung dito sa Bukidnon ganoon rin, siguro si Cong. Malou ang makakasabi—[nalaman] namin na ang mga magsasaka na hindi kabahagi sa isang accredited na farmers organizations, hindi pala sila natutulungan ng DA saka DAR. Kaya ang ginawa po namin, iyong mga hindi kasali, inorganisa namin. Kami ang nagpa-accredit, para matulungan na sila ng DA saka DAR. Ang iba, walang lupang sasakahan. Naghanap kami ng puwede nilang sakahan. Pero binuhusan sila—mayroon rin pong memorandum of agreement with DA and DAR—binuhusan po sila ng tulong. Equipment, supplements, input, iyong lahat na tulong.

Pangatlo, dahil mayroon nang kasunduan with DA, DAR, DSWD, pati po DPWH hindi kami nahirapang humingi ng mga farm to market roads. Kasi kapag napakahirap maabot—kanina po, nagkukuwento si Mayor, noong umaakyat ang ibang mga barangay, sabi niya, “Kahapon, pupunta sana ako sa barangay nila noong linggo pa lang, pero hindi ako natuloy dahil sa sama ng daan.” Kaya ang sa atin po, kung ganoon ang daan papunta sa mga tinataniman ninyo, napakamahal na ng baba ninyo ng produkto. Kaya ito lahat, kabahagi sa ating pagplano.

Sa October 17 po—ngayong araw, actually, October 10, ngayon po ang anibersaryo ng Angat Buhay. First year anniversary. Pero dahil nandito ako sa inyo, ginawa po namin na ang celebration, October 17. Si Mayor po, makakasama natin. Sana si Cong., maka-attend rin sa October 17. Siguro ang iba sa inyo, puwedeng makapunta.

Ang Angat Buhay po, mayroon kaming [ilulunsad] na parang anak nito. Ang pangalan po, Angat Kabuhayan.

Angat Kabuhayan siya dahil bibigyan ng mas maraming atensyon ang kabuhayan na aspect ng Agnat Buhay. Ano po ang tinitingnan na namin na mga modelo para sa mga magsasaka?

Mayroon po ngayong modelo ang Jollibee Foundation. Ang modelo nila, alam niyo iyong mga onion, mga sibuyas? Dati, di ba ang Jollibee, napakarami nilang restaurant? Dati, ang Jollibee, ang sibuyas ay iniimport niya pa, iniimport pa niya galing sa abroad kasi wala siyang makuha dito noong quality na gusto niya. Nag-experiment siya ng isang programa. Ang experiment niya, sinimulan niya sa San Jose City, Nueva Ecija. Ang ginawa niya doon, mayroong isang farmers group na nagtatanim na dati ng sibuyas, pero hindi ang quality na gusto ng Jollibee—kaya tinulungan nila na ma-upgrade ang quality. Inalagaan niya. Tinutulungan niya rin ang farmers group na sila na mismo ang trader, bawal ang middlemen.

Noong nakuha na nila ang quality na gusto nila, alam niyo po ang farmers group na iyon, sila na ang nagsusuplay sa Jollibee. Napakarami na ng yumaman na magsasaka dahil doon, at hindi na nila kayang isupply ang kailangan ng Jollibee. Ngayon po, ang Jollibee, naglagay na siya ng ibang sites—[ngayon] nasa 11 sites na siya, sa siyam na probinsya, at naghahanap pa siya ng ibang sites.

Pero ito ang gusto kong sabihin. Kung ginagawa iyon ng Jollibee, kayang-kaya rin po nating gawin. Ang hahanapin lang natin, ano ba ang mga produktong kinakailangan ng malalaking kumpanya tapos paano tayo puwedeng mag-supply doon.

Alam ko po kanina, iyong nagdeliver ng response, sinasabihan po na mayroon na kasi kayong kinasayanan. Mayroon na kayong kinagawian na mga sistema at produktong tinatanim. At kadalasan, ayaw niyo nang gumalaw. Kung nagtatanim kayo ng mais, mais na lang nang mais. Kung nagtatanim kayo ng cassava, cassava na lang nang cassava. Kahit ang baba ng presyo. Pero gusto ninyo iyon, dahil sanay na kayo.

Pero ang training ngayong hapon, di ba, binuksan ang mata ninyo. Binuksan ang mata ninyo na puwede naman pala na iyong mga ginagawa ninyo ngayon, mas lalo ninyong maiimprove, para dumagdag ang inyong income.

Kanina, nandoon ako sa San Vicente, kausap ko iyong mga Panaw Sumilao Farmers. Parang si Nolan yata ang nagkukuwento sa akin saka si Bibing. Ang kuwento nila, “Ma’am, natutuhan namin sa training, puwede pala kaming mag-alaga ng mga native na mga manok dito sa amin. At ang native pala na manok na aalagaan namin, puwede pala na iyong mais namin, iyon na ang i-coconvert namin na mga feeds. Mas mataas ang kikitain namin.”  Excited na excited sila.

Iyon ang bunga ng ating training. Ang sabi sa akin ni Ed kanina, kayo ang pinapili kung ano ang gusto ninyong training. Mayroong organic farming, mayroong pang-livestock, mayroong kombinasyon—pero ito iyon. Iyon ang training ninyo ngayon; tinuruan kayo na puwede pala. Hindi kailangan na ipilit natin ang dati na nating alam. Kasi ang dati na nating alam, baka napakamura ng presyo. Bakit hindi tayo maghanap ng pandagdag na mas mahal ang presyo? O baka mayroon na tayo ngayong produkto, pero puwede pala natin iyon i-convert na mas mataas ang presyo.

Halimbawa: Mayroon rin kaming isang area, sa Alabat, Quezon. Ang Alabat, Quezon, coastal siya. Isang isla. Ito, sa matagal na panahon, ang hanapbuhay ng mga tao, kopra. Matagal, ilang dekada na kopra ang hanapbuhay. Hanggang nag-undergo sila ng training sa coco sugar. Pag-undergo nila ng training sa coco sugar, parang times ten yata ang income nila ngayon. Na sabi nila, hindi nila alam na, hindi lang mas madali, pero iyong market, mas mahal pa ang pangangailangan. Tinuruan sila—parehong produkto, pareho ang crops nila, pero pareho ang ibinibenta.

Ganoon ang gusto nating mangyari sa inyo pagkatapos ng graduation. Kanina, sinasabi ni Ed, na iyong trainer, papapuntahin dito paminsan-minsan para kung mayroon kayong mga tanong, maitatanong niyo pa rin. Kami naman, parati naming ka-deal si Mayor. Ang matutulong natin na puwedeng dalhin dito, gagawin.

Sa October 17, ang mangyayari, ang mga partner nating organizations, pupunta doon sa SMX. Nandoon si Mayor, at doon maghahanap ng partnership.

Ang pakiusap lang natin sa inyo, maging bukas. Ano ba iyong mga… libre ang soil testing. Mayroong mga nagbibigay ng soil testing, kung gusto ninyong ipacheck ang inyong mga lupa, kung ano ang pinakabagay. Maging bukas sana tayong gamitin ang natutuhan natin dito sa training.

Ang atin pong pangarap, ngayong graduation niyo pa lang, pagbalik namin ni Ed, iba na ang kuwento ninyo. Sana pareho na noong kuwento sa amin na pagbalik namin, “Ma’am, dahil sa training na ibinigay ng Pilipinas Shell, iyong aming income ngayon, times three o times ten na.” Di ba, napakasaya?

At iyon ang pinaka malaking regalo para sa amin. Ako, I am sure, si Mayor, ganoon rin. Nagkukuwento sa akin, Ed, si Mayor kanina. Na wala raw ang Sumilao sa unang pinili ng Pilipinas Shell. Pero nakiusap raw si Mayor. Palakpakan natin si Mayor. Kasi kung hindi nakiusap si Mayor, hindi sana nakapunta dito ang Pilipinas Shell. Pero ganoon lang naman iyon, di ba? Sipagan lang sa paghanap ng tulong. At ang Pilipinas Shell po, kinikuwento ko kay Cong. Malou kanina, mula pa noong Yolanda, Congressman pa lamang po ako, partner na namin sila. Pumupunta po kami sa Eastern Samar para tulungan ang mga mangingisda at magsasaka doon para makabangon muli. At hanggang ngayon, tinutulungan pa rin tayo ng Pilipinas Shell. Kaya maraming salamat, Ed. Maraming salamat sa buong pamilya ng Pilipinas Shell Foundation.

Pero kahit po nandito ang Pilipinas Shell, kung wala po ang LGU Sumilao, kung wala si Cong. Malou, kung wala po ang ating mga kapitan at mga councilor, si mayor at vice mayor—wala po ang training na ito.

Kanina po noong nagsasalita si Mau, sana po nakikinig tayo. Sabi po niya, mayroong kontribusyon ang LGU sa training. Hindi lang naman Pilipinas Shell ang nagpagod at gumastos, pero mayroong contribution ang LGU. Hindi po ito matutuloy kung hindi nagtulungan ang gobyerno at pribado.

Kaya ngayon po, napakasaya namin para sa inyong lahat. Pero hindi po dito nagtatapos ang ating partnership. Gusto po naming makita, gusto naming mabisita ang inyo pong mga sinasaka, para makita natin na ginamit ninyo ang inyong natutuhan.

Congratulations po, maraming salamat sa inyong lahat.