Loading...
Loading...

[Transcript] Interview of Vice President Leni Robredo with Bombo Radyo Isabela

VP LENI: … at gusto nating ipabatid sa kanila na iyong pamahalaan, nandiyan parati para mag-abot ng suporta. Alam niyo po, personal din sa akin iyong kahalagahan ng ganito, kasi iyong tatlo kong anak, talagang lumaki na sumasali talaga sa mga Palarong Pambansa. Kaya alam ko kung gaano kahirap, kung gaano kahirap ang pinagdaraanan ng mga atleta para makarating sa ganitong provincial meet. Kaya iyong pag-imbita po sa akin, gusto nating bigyan ng pagpapahalaga.
Q: Puwede po bang iyong mga taga-Isabela po ang unang makaalam kung anong mensahe ang dala niyo sa ating mga atleta?
VP LENI: Iyong sa akin po, mas ano siya, mas words of encouragement saka mas pagpapahayag ng pakikiisa at pagbibigay-halaga. Marami pong mga Pilipino ang hindi alam kung gaano kagrabe iyong sakripisyo ng ating mga atleta. Ako po, gaya ng sabi ko, iyong mga anak ko naging atleta, pero parang mas marami iyong suporta na nakukuha kumpara sa iba. Pero kahit nga ganoon, ang sakripisyong pinagdadaanan, grabe—pinagsasabay iyong training saka pag-aaral. Iyong hirap po sa mga meet, malaki, kasi iyong mga… gaya ng Palarong Pambansa, kapag dumadayo kami, mga 10 araw na natutulog ka sa paaralan. Talagang ano, para makapagdala lamang ng karangalan sa ating bansa. Kaya ito naman po, iyong pagpapahayag na mabigyan ng mas malaking pagpapahalaga iyong mga ganito, at mas malaking suporta para sa ating mga atleta.
Kasi iyong mga Pilipino naman po, naturally gifted sa ganito, parang kulang lang talaga ng training, kulang din ng pagpapahalaga. Kaya tayo naman po, ngayon na nabigyan tayo ng pagkakataon na magpahayag ng mensahe natin, iyon ang gusto nating ipaabot.
Q: So Ma’am, ito ay inyo pong tututukan? Itong larangan ng sports, isa po ito sa inyong mga adbokasiya, Ma’am?
VP LENI: Actually po, oo. Mayroon po kaming programa, iyong Angat Buhay, isa po itong anti-poverty program. Isa po sa mga pillars ng Angat Buhay iyong public education. Iyong ganito pong mga events, bahagi doon. Gusto nating tingnan kung paano makatulong iyong ating opisina, lalong lalo na sa mga taga-public school na estudyante, na mayroong capacity pero kulang ng resources.
Q: Ma’am, maisingit ko lang itong ibang katanungan… Nitong nakalipas na araw ay idineklara na po ni Pangulong Rodrigo Duterte itong New People’s Army na mga terorista. Ano pong insight natin dito, ang inyong reaksyon?
VP LENI: Iyong sa atin po, parating ano ba iyong definition ng terorista? Iyong terorista iyong naghahasik ng lagim na wala namang dahilan. Iyong mga terorista iyong nampapatay pati ng mga sibilyan, nangingikil. Iyong sa akin po, kung iyong ginagawa ng New People’s Army ay mga terroristic activities, nararapat lamang na ideklara na terorista.
At ito naman po, iyong terorismo, whether NPA iyon o whether Abu Sayyaf or ISIS-related, basta iyong pagdadala ng mensahe na hindi natin ito tino-tolerate dito sa atin, iyong pagbibigay ng mensahe na iyong lahat na terroristic activities hindi welcome dito sa atin, tingin ko po mahalaga na iyong mensaheng iyon mapaabot ng ating pamahalaan. Kasi paminsan mayroong mga mensahe na hindi klaro iyong paghatid. Gaya noong nakaraang linggo, nagreklamo nga po ako sa isang pahayagan dahil parang na-quote ako nang wala sa konteksto. Kaya ito naman po, ginagawa natin iyong lahat para ma-correct iyong pagkakamali kasi delikado na iyong mensahe hindi nakaklaro. Kasi mahalaga sa ganitong laban iyong pagkakaisa nating mga Pilipino, mahalaga po sa ating laban. Kapag sinabi namang terroristic activities, wala ditong pulitika. Kahit anong kulay mo sa pulitika, kailangan labanan talaga ito, kasi ito iyong makakasama talaga—hindi lang sa security natin, pero iyong kabuuang future ng ating bansa.
Q: Nangangahulugan po, suportadong suportado niyo si Pangulong Rodrigo Duterte? Sa kaniyang pagdedeklara na terorista ang NPA?
VP LENI: Iyong lahat pong mga moves ng ating pamahalaan para isikwal iyong kaguluhan, para isikwal iyong mga illegal activities, para isikwal iyong terroristic activities, sang-ayon po tayo.
Q: Bilang panghuli siguro, Ma’am: How about iyong reaksyon po natin sa pagpapanumbalik ng PNP sa war on drugs?
VP LENI: Ito po, iyong nakaraang pinagdaanan natin, maraming pangamba. Maraming pangamba dahil sa mga nangyari. Iyong sa akin naman po, sigurado ako na may dahilan kung bakit sa kanila ibinalik, pero iyong sa atin, tumitiwala tayo na iyong safeguards para hindi na maulit iyong dating patayan na walang dahilan, para hindi na maulit iyong extrajudicial killings, nandoon. Gusto kong sabihin, in place, kasi ito pong mga bagay na ito, ito iyong nagko-cause ng pagkakawatak-watak nating mga Pilipino. Na dapat sana sa panahon ng pangangailangan at sa panahon ng kaguluhan, dapat sana nagkakaisa tayo. Pero iyong mga ganito na baka iyong perpetrators ay baka iilan lang naman sa mga miyembro ng Philippine National Police, parang nadadamay hindi lang iyong institusyon, pero iyong nadadamay tayong lahat, kasi nagkakaroon pa ng dahilan para hindi tayo magkakaintindihan bilang mga Pilipino.
Kaya sana po— Iyong mga nakaraang buwan, parang maganda iyong takbo. Maganda iyong takbo in the sense na mas nabigyan ng pagkakataon na tingnan iyong rehabilitation as a means sa pagsugpo ng war on drugs. In fact, naimbita po ako sa mga events patungkol sa rehabilitation. Iyong sa atin lang, sana ito iyong route na i-take, hindi iyong patayan. Kasi oras na bumalik iyong patayan, mag-aaway-away na naman iyong mga tao kasi maraming hindi pagkakaintindihan.
Q: Kumusta na po iyong usapin ninyong dalawa ni Bongbong Marcos?
VP LENI: Maganda po iyong takbo ng kaso. Mayroon po siyang tatlong causes of action na finile. Iyong pinakamalaki dito, iyong first cause of action, na—in not so many words—parang sinasabi niya may dayaan noong eleksyon. Sinasabi po ng Supreme Court na iyong ebidensya nagpapakitang wala. So iyon po ay na-dismiss na, iyong first cause of action, so napakalaking victory po ito para sa aming lahat.
Ngayon mayroon po siyang mga motion… halimbawa, nag-request ng technical examination sa ARMM, hindi po iyong pinasok—hindi in-allow—ng Supreme Court kasi wala namang basehan. Mayroong mga ibang mga request. Halimbawa, kami nag-request kami na dahil siya naman iyong nagre-request, siya naman iyong nagbayad ng additional expenses, pero iyong resulta noon puwede bang makahingi ng kopya para makasagot kami, kung mayroon kaming nakita na hindi sang-ayon sa ebidensyang hawak namin. In-oppose po iyon ni Bongbong Marcos. Sinabi ng Supreme Court na mayroon kaming karapatan na bigyan ng kopya.
So ito naman po, iyong lahat na tingin namin maayos iyong naging desisyon, parang iyon naman iyong lumalabas, kaya tayo, tumitiwala tayo na sa lalong madaling panahon ma-resolve na po ito. Kasi lalong tumatagal, lalong nagka-cast ng doubts ng panunungkulan natin. Imbes na maka-focus na tayo sa trabaho natin ay inaaasikaso pa natin ito.
Q: Maraming salamat po, Vice President!
VP LENI: Maraming salamat po, maraming salamat!
– 30 –

Comments(0)

    Leave a Comment