Loading...
Loading...

[Transcript] Interview with Vice President Leni Robredo at ADP Women Empowerment and Gender Equality Talk

Office of the Vice President
13 March 2018

ADP Town Hall Area, Glorietta 2 Corporate Center, Ayala Center, Makati City

Q: … sa pagkababae. Puwede po bang mai-share niyo sa amin ulit?

VP LENI: Parang kinukuwento ko lang iyong cultural dictates sa atin, kino-compare kung paano tini-treat ng society iyong babae saka lalaki. Iyong aking example kanina, parehong mag-asawa, parehong may trabahong full-time; iyong babae, ang expectation sa kaniya, after work uuwi na kasi aasikasuhin iyong mga bata, mag-aasikaso sa bahay, pero iyong lalaki, kahit makipag-socialize muna siya, makipag-inuman sa mga barkada, parang accepted iyon. Kapag babae iyong gumawa noon, masamang babae siya. Kaya parang ito, kinalakhan na ganito iyong paniniwala. Dapat, iyong sa akin lang, iyong mga magulang na nagre-raise ng mga anak ngayon, dapat sa kanila nagsisimula iyong pagbasag ng mga ganitong pagtingin sa kultura na hindi pantay iyong babae saka lalaki. Tapos dapat sinusundan ito sa paaralan.

Q: Ma’am, sa society ba natin, especially now that we have a President, sabi nga nila, na masyado ang pagtrato sa women, what do you see now, Ma’am? What do you foresee sa pagtrato sa mga babae?

VP LENI: Ganoon pa din. Parang ano lang, naha-highlight masyado iyong pagtingin na mababa sa mga babae. Nare-reduce iyong mga kababaihan sa mas mababang uri dahil lang siya babae. Ito, naha-highlight dahil sa mga statements na sinasabi, lalo na ng mga leaders. Ito iyong nakikita, napapakinggan ng mga kabataan. So lalong nare-reinforce iyong mga hindi pantay na pagtingin sa babae saka sa lalaki. Nakakalungkot ito. Kinakampanya nga natin na basagin na sana ito. At incumbent sa amin na namumuno na manguna, manguna na iyong gender stereotyping, iyong mababang pagtingin sa mga kababaihan, baguhin na.

Q: Ma’am, what’s your thought on CJ Sereno? Sorry, on other matters—ang dami nang nananawagan sa kaniya to resign. What do you think?

VP LENI: Iyong sa akin, klaro iyong ating Konstitusyon na iyong mga impeachable officers puwede lang matanggal sa posisyon nila through impeachment, not through any other means. Iyong nangyayari ngayon kay Chief Justice, na sinampahan ng quo warranto, masamang precedent ito. Masamang precedent kasi mayroong attempt na naman, may attempt na naman na i-shortcut iyong proseso. Ito, labag sa Konstitusyon. Mayroon nang impeachment proceedings na ongoing sa House. In fact, pinagbotohan na iyon sa committee, pag-uusapan iyon sa plenary. Respetuhin natin iyong proseso. Hintayin natin. Kung iangat iyon sa Senado, hintayin natin iyong hearing sa Senado, para mayroong pagkakataon na depensahan iyong sarili.

Iyong integridad ng Korte, kailangan pinapangalagaan iyon ng lahat, lalong lalo na noong mga justices. Dapat iyong internal na mga problema, hindi dapat hayaan na ito iyong makayanig sa pagtingin sa Korte. Kasi iyong Korte, isang institusyon na sinasandigan natin lahat. Kapag nagkaroon ng cracks iyong integridad nito, iyong buong justice system apektado.

Q: That despite na iyong mga justices na din mismo sinasabi na, parang, nagkakaisa sila against CJ?

VP LENI: Ako kasi, internal iyong labanan. Sila iyong dapat nag-a-uphold sa rule of law. Kung mayroon mang mga internal na problema, dapat sana i-resolve iyon within themselves. Hindi na dapat nakikita ng taumbayan, kasi kapag nakikita ng taumbayan iyong awayan na ganiyan, nababawasan iyong pagtingin sa Korte. Kaya nalulungkot tayo sa mga developments na nangyayari. Ninanais natin na sana iyong mga proseso na nangyayari, hayaan na mangyari. At sana hindi nito mabawasan iyong tingin ng tao sa Korte Suprema.

Q: Ma’am, naniniwala ba kayong may pressure—nabanggit ni CJ Sereno na na-pressure iyong mga judiciary employees na nag-call ng resignation niya. Sa tingin niyo po?

VP LENI: Ako, wala kasi ako sa posisyon para magsabi noon. Wala akong ebidensya para sabihin na mayroong pressure. Sana wala. Sana wala, iyon nga, for the same reason—iyong Korte, iyon iyong sinasandigan natin pagdating sa pakikipaglaban sa katarungan at katotohanan. At iyong mga pressures na ganito, labag ito sa pakikipaglaban sa paniniwala. Hayaan iyong prosesong gumulong, irespeto iyong proseso, para mayroon tayong tiwala sa institusyon.

Q: Ma’am, nagkaroon daw ng 2016 electoral sabotage, sinasabing mga dayaan?

VP LENI: Ako, interesado ako doon. Interesado ako doon, kasi kung mayroon man, apektado nito iyong buong electoral process. Hindi lang isang kandidato kundi iyong lahat. Iyong lahat na nanalo at natalo, apektado nito. Kaya kung mayroong ganitong accusations, kailangang imbestigahan, i-present iyong witnesses saka iyong ebidensya, kasi mahirap iyong pinag-uusapan lang publicly pero wala namang inihahain. Dapat ihain ito sa tamang ahensya, para iyong masusing imbestigasyon mangyari, at sa lalong madaling panahon. Mahalaga ito kasi itong 2016 elections, iyong mga na-elect for a three-year term, patapos na iyong term nila next year, tapos iyon pala ay may accusations ng dayaan. Kung mayroon man, kawawa iyong mga natalo, kasi patapos na nga iyong term ng mga nag-o-occupy ng three-year terms, hanggang ngayon wala pa namang naihahain na kaso. Pero sana sa lalong madaling panahon ihain.

Q: Ma’am, palagay po ba ninyo magpo-prosper iyong quo warranto proceedings?

VP LENI: Ako, paniniwala ko hindi. Kasi iyong Korte Suprema, sa number of cases nagdesisyon na. Binabanggit ko nga dati iyong kaso ni Fernan, Chief Justice Fernan, noon: kinasuhan siya ng disbarment; sinabi na ng Korte Suprema noon na iyong epekto ng disbarment ay pagtanggal din sa puwesto ni Chief Justice Fernan, at hindi iyon maaari kasi puwede lang siyang tanggalin by impeachment. Nangyari din ito kay Ombudsman Gonzales. Pareho. Kinasuhan din siya, sinabi din na kahit anong kaso—Korte Suprema na iyong nagsabi—kahit anong accusations na ang epekto nito pagtanggal sa opisina, hindi maaaring ipayag kasi sila ay impeachable officers. So pareho din ni Chief Justice Sereno.

Q: Does it matter to you, Ma’am, if the impeachment or quo warranto proceedings will happen? Will it affect your political, iyong position niyo?

VP LENI: Ako, iyong quo warranto, makakaapekto sa ating lahat dahil gustong sabihin, ito nga, dangerous precedent ito. Kung bigyan ng due course iyong quo warranto, gusto bang sabihin nito pati iyong Pangulo puwedeng tanggalin sa paraan na quo warranto? Kasi ang sinasabi ng Konstitusyon puwede lang tanggalin through impeachment.

Iyong impeachment, mahalaga sa atin lahat na gumulong ito in a manner na prescribed by law, kasi kapag gumulong ito in a manner prescribed by law, gustong sabihin nagwo-work iyong proseso natin. Kaya sana mapag-usapan na ito sa plenary kasi nakalabas na siya sa komite. Kung papatayin siya sa plenary, tapos na siya. Kung ihahain naman sa Senado, kailangan gumulong na din. Dahil nga ito iyong prosesong pine-prescribe ng Konstitusyon.

Q: Ma’am, isa po kayo sa mga biktima na na-Tokhang—last na ito. Ngayon ho may desisyon na ang DOJ, iyong sinasabing mga drug lord na sina Peter Lim at Kerwin Espinosa ay dinismiss iyong kanilang case. Does this send a signal also?

VP LENI: Nakakatakot. Nakakatakot iyong dismissal ng kaso, kasi unang una, iyong isa self-confessed, self-confessed na drug pusher. In fact, isa pa nga siya sa mga testigo laban kay Senator De Lima, sinasabing binibigyan nila ng pera out of drugs. Ano iyong gustong sabihin noon? Na-dismiss iyong kaso, walang sufficient evidence na siya ay involved sa drugs, pero siya na nga mismo ang nagsabi noon na oo. Anong gustong sabihin noon?

Nakakabahala iyong mga ganito kasi pinakamahalaga sa atin iyong rule of law saka trust in the institutions. Kung iyong DOJ pumipili, pumipili ng isasampa na kaso o hindi, hindi base sa ebidensya kundi base sa sariling paniniwala, nakakatakot ito. Kasi sabi ko nga, secondary na lang iyong mga personalities, pero iyong pinakamahalaga iyong institusyon. Kailangan tayong lahat tumitiwala sa institusyon. Kung ganito iyong desisyon nila, magtatanong tayo kung kailangan pa bang tiwalaan iyong opisina.

Q: Thank you, Ma’am!

– 30 –

Comments(0)

    Leave a Comment