Loading...
Loading...

[Transcript] Interview with Vice President Leni Robredo at Consultation wth Rice Traders, Retailers, and Consumers

Office of the Vice President
22 March 2018
Pamilihang Bayan ng Pandi, Bulacan

OVP: Si Nestor Torres po ng UNTV.

Q: Magandang tanghali po, VP. Ang tanong ko lang po, iyong isyu tungkol doon sa pagtatanggal ng limit doon sa importasyon ng bigas, kundi pataw na 35 percent na taripa na lang. Susuportahan ba natin ito?

VP LENI: Ito kasi, bahagi siya ng pag-iikot natin. Gaya ng sinabi kanina, maraming pananaw. Iyong isang pananaw, at iyon ang pananaw ng NFA Council ngayon: Na huwag mag-import para maprotektahan iyong ating mga magsasaka. Kanina nagkukuwentuhan nga kami ni Mayor, iyon din iyong topic namin, pero bahagi siya ng pinag-uusapan. Iyong isa naman, mag-import para mapilitan na bumaba iyong presyo ng bigas, kasi iyong bigas sa labas napakamura, ano? Iyong bigas sa labas napakamura. Ang sinasabi mag-import para kung may mura-mura na bigas na pumapasok, mapipilitan na ibaba din iyong commercial. Mayroong sang-ayon dito, mayroon ding hindi, kasi nga iyong problema natin pagdating sa mga magsasaka.

Nagkaroon kami ng pagkakataon na umupo kasama iyong iba-ibang mga presidente ng iba’t ibang mga asosasyon ng mga magsasaka. Ganito din. Sila iyong nagsalita, kami lang iyong nakinig. Isa sa mga ni-raise nilang problema nilang magsasaka: iyong NFA, iyong buying price niya 17 [pesos] per kilo, pero maraming maliliit na magsasaka na hindi na nakakarating ng NFA, o hindi na nakakarating ng rice mill, kasi dahil baon na baon siya sa utang, binibili na noong inutangan niya iyong palay sa napakamurang halaga. Nag-a-average daw ito ng 13 [pesos], pero paminsan 10 pesos pa. Sobrang kawawa ng magsasaka. Ang kumikita iyong trader, kasi kapag siya iyong bibili na napakamura, kahit ipasa lang ito sa NFA, ang kapital niya iyong pag-transport, kasi kung mahirap na mahirap wala naman siyang kapital na dadalhin ito sa rice mill, sa wholesaler, o sa—ano ito?—sa NFA. Ano talaga… halos walang kita iyong magsasaka, pero iyong mga traders, sila iyong medyo malaki iyong kita.

Ito iyong tinitingnan natin. Ito iyong paminsan hindi nakikita. Pinag-usapan nga namin ito ni Mayor kanina pagdating ko dito. Ang sabi ni Mayor, sila daw dito, iyong 250 na mga rice millers, bumibili na nang direkta sa magsasaka. Ito, okay ito, pero iyon nga, paano iyong mga magsasaka na baon na baon sa utang? Kaya iyong isang tinitingnan, baka kailangang mag-invest talaga nang marami iyong gobyerno sa pagtulong sa magsasaka, para wala na siyang… hindi na siya nababaon sa utang. Wala siyang gamit kaya mag-a-arkila siya. Wala naman siyang pang-arkila, so iyong paggamit niya ng gamit, utang na niya iyon. Gusto niyang magtanim, pero wala naman siyang binhi, kaya uutangin niya. Ano? Lahat utang. Kailangan niya ng fertilizer, pero wala naman siyang pang-fertilizer, so uutangin niya. Kapag malapit nang… pagkatapos niyang magtanim, kailangan niyang mag-land master, ang tawag nila diyan land master, wala naman silang sarili so uutangin niya iyon. So isang bahagi—at malaking bahagi ito—talagang tulungan iyong magsasaka. Iyon iyong nakita natin doon sa pag-uusap sa farmers’ groups.

Iyong pangalawang pag-uusap nga, hindi lang siguro isyu ng importation o hindi mag-i-import, pero kailangan bang mag-subsidize na iyong gobyerno? Gaya nga ng sabi ni Mayor, dagdagan ang budget ng NFA. Kasi ang problema po natin, iyong NFA hindi din siya makapagdesisyon na magbili nang lampas sa 17 [pesos] dahil hindi na kaya iyon ng budget niya. Ako, iyong proposal ko, baka puwedeng mag-subsidize na iyong gobyerno sa NFA, para kaya na ng NFA bumili. Ang gusto ng karamihan 22 [pesos], pero baka puwedeng dagdagan… Mayroon nang nag-propose na 19 [pesos], pero sabi ng magsasaka, masyadong mababa iyong 19 [pesos].

Mayroon po kaming isang best practice na nakita, iyong ginagawa sa Isabela. Sa Isabela, mula sa planting hanggang sa harvesting, may subsidy talaga ang gobyerno, at ang bili doon ay 22 [pesos]. Ang bili doon sa Isabela, 22 [pesos], pero 22 [pesos] dahil iyong provincial government nag-invest ng funds sa NFA.

So ito iyong mga tinitingnan natin ngayon. Bahagi siya ng pagdedesisyon, iyong pag-ikot.

Q: Susuportahan niyo po ba iyong pagtanggal ng limit doon sa importation ng bigas?

VP LENI: Hindi ko kasi iyon masasabi kasi bahagi nga ito ng… bago tayo makarating sa desisyon na iyon, bahagi iyong mapakinggan iyong iba’t ibang—

Alam mo, bago ka kasi magdesisyon ng importasyon, kapag papakinggan mo sila, halimbawa, parang lumalabas iyong importasyon maganda, ‘di ba, kasi mura, maputi. Pero alam mo sa bawat isang bagay, kailangan mong pakinggan iyong lahat. Kung sila iyong papakinggan natin, mag-import na tayo ngayon. Pero kung pakinggan natin iyong mga magsasaka, teka muna, pag-isipan natin.

Baka ang isang panukala, na mayroon lang kaunting percentage na i-i-import, iyon, puwede iyong tingnan. Kung gaano iyon kadami, iyon iyong hindi din pinag-a-agree-han ngayon, kaya bahagi din siya ng pag-uusap.

Q: Ma’am, ano po iyong nakita ninyo na pagkukulang ng pagnipis ng buffer stock? Nagpabaya ba ang NFA doon?

VP LENI: Iyong Senado mayroon ngayong ongoing na investigation, pero iyong nakita ko na hindi maganda, nag-aaway iyong NFA administration saka iyong NFA council.

 

Ang gusto ng NFA council, iba sa gusto ng NFA administration. Example, ang isa sa mga pinropose ng council, “Magbenta na kayo sa amin ng bigas. Sa bawat dalawang kilo na ibebenta mo, bibigyan namin kayo ng coupon na puwede kayong mag—”para siyang—“puwede kang magkolekta sa amin ng bigas later on.” Noong nakausap namin—pero nakausap namin iyong mga magsasaka, ayaw nila iyon kasi ang ibibigay daw sa kanila imported. “Bakit kami kukuha ng imported na bigas eh kami mismo iyong nagtatanim?” So iyong mga ganoon na iba’t ibang pagtingin.

Tingin ko, bago pa man pag-usapan iyong polisiya, magkasundo muna kayo, kasi kapag hindi kayo magkasundo, kami lahat iyong apektado.

Q: Ma’am, last na po sa akin: Ano po iyong alternatibong puwedeng gawin sakaling magkaroon nga ng rice shortage?

VP LENI: Iyon nga, ang mga alternatives talaga: una, mag-import; pangalawa, magbuhos na ng—kasi ang sinasabi naman nila ngayon, maraming pera naman iyong gobyerno, ‘di ba? Kung maraming pera naman iyong gobyerno, hindi naman siguro masasaktan iyong gobyerno kung mag-infuse siya ng capital sa NFA, para kaya lang ng NFA na bumili nang mas mataas. Kapag ma—kasi ‘di ba iyong buffer stock ng NFA, dapat 15 days? Iyong buffer stock niya ngayon more than one day lang. Magdasal tayo na hindi magkaroon ng kalamidad, kasi kapag nagkaroon tayo ng kalamidad, saan tayo kukuha, ‘di ba?

Dapat by law, 15 days dapat ang meron. May kapabayaan sigurado. May kapabayaan sigurado kasi para iyong 15 days bumaba sa more than one day—iyong last kong narinig, I think that was two weeks ago, 1.7 [days] ang buffer stock. Nakakatakot iyon. Nakakatakot iyon, at kapabayaan, kasi bakit hahayaan na bumaba from 15 days, when by law, required na 15 days iyong buffer stock?

OVP: Pangalawang tanong, Angelica Simpao ng CLTV.

Q: Hello po. Good afternoon. Angelica Simpao from CLTV. Ma’am, to summarize lang po, sa pakikipag-dialogue niyo po sa mga kababaihan dito sa Pandi, Bulacan, ano po sa tingin niyo iyong pinakahinaharap nilang problema ngayon, at ano po iyong gagawin natin?

VP LENI: Kahirapan talaga. Kahirapan talaga iyong pinakaproblema. Galing po ako… nag-organize po kami ng mga kababaihan doon sa mga resettlement sites, at iyong pinatumbok noon, mas madaling tumulong kasi kapag organisado. Mayroon po kaming isang programa sa opisina, iyong Angat Buhay. Iyong Angat Buhay, tumutulong kami sa mga pinakamahihirap na mga lugar. Pero dito, Metro Manila, isasama na po namin iyong Pandi, mayroon kaming programang Angat Kabuhayan. Magbibigay ng pagkakataon sa lahat na magkaroon ng kabuhayan.

Ang problema kasi sa kababaihan, karamihan hindi naman puwedeng empleyo kasi may mga inaalagaan—kung hindi anak, apo—sa bahay. So ngayon iyong gusto nating tingnan, at nag-usap kami ng presidente ng mga kababaihan, mag-planning tayo. Ano ba iyong puwedeng pagkakitaan ng mga kababaihan kahit nasa bahay lang? Kahit hindi sila puwedeng mag-opisina, ano bang puwede? Tanungin natin sila, “Sino ba sa inyo ang puwedeng mag-opisina?” Tapos iyong puwedeng mag-opisina, napakarami nating trabahong available. Pero iyong hindi puwedeng mag-opisina, ano ba iyong puwedeng gawin?

Sa Samar, halimbawa, sa Eastern Samar. Nandoon kami. Karamihan sa mga kababaihan gustong mag-alaga ng baboy. Hindi ko alam kung bakit, pero gustong mag-alaga ng baboy. Puwede iyon, pero ang tanong, puwede ba dito iyon sa Pandi, kasi sa Metro Manila hindi iyan puwede. So kung hindi iyon puwede dito, ano ba iyong ibang puwede? Halimbawa, sa Mindanao, maraming nagtatahi, kasi marami silang weavers, maraming nagtatahi. Iba-iba.

Halimbawa, sa Bicol, sa amin, ang ginagawa namin, iyong mga nagtatanim ng gulay, mga magsasaka, mga kababaihan iyan. Imbes na nire-retain nila iyong gulay, binubuo namin sila ngayon—si Atty. Aison din iyong gumagawa doon—ginugrupo namin sila para ang kausap namin mga restaurant, mga hotel, mga ospital para maramihan, ano? Ngayon mina-match namin—kasi noong tinanong namin iyong mga hotel, mga ospital, “Ano ba iyong pinakamaraming binibili niyong gulay?”—kasi walang bumibili sa amin; bumibili sila sa Baguio—sabi namin anong gulay ang number one na pinakakailangan niyo, nakakagulat na ang sabi nila sayote. Iyon naman mga magsasaka—parehong meeting iyon—ano naman iyong pinakamarami iyong tinatanim, number one: talong. Sa listahan ng binibili, ang layo ng talong, pero sa supply, napakaraming talong. So ngayon, ang gagawin namin, ang itatanim namin sa next na planting season iyong kailangan ng mga bumibili. At iyong mga bumibili mayroong commitment na basta matulungan kung paano iyong quality, sila na iyong bibili. So iyong mga ganoon— titingnan natin kung ano ba iyong mga puwede dito sa inyo. So kahirapan.

Q: Good afternoon. Ryan from TV5. Ma’am, tanong ko lang, Ma’am, ano pong reaction niyo doon sa sinabi ng Pangulo na gusto niyang nakikita kayo palagi bilang pangalawang pangulo niya? Kasi ma’am, nagpahaging siya kahapon, ‘di ba—

VP LENI: Nagbibiro lang iyon siguro si Pangulo… [laughter] Tingin ko lahat naman gusto—kahit naman siguro sino, ewan ko kayo—kahit naman sino gustong nilang nakikita na nagkakasundo iyong Pangulo saka Pangalawang Pangulo, ‘di ba, kasi iyon naman iyong pinakadapat. Dapat nagkakasundo, hindi lang iyong Pangulo saka Pangalawang Pangulo, pero… Halimbawa, dito sa inyo, si Mayor Tinoy saka si Vice Mayor Noel, hindi magkasundo, sino iyong maapektuhan? Kayo din, ‘di ba?

So mahalaga na nagkakasundo. Kaya… Saka iyong pagkakasundo, hindi naman gustong sabihin noon lahat na sasabihin ni Mayor, tumatango na lang si Vice. Hindi naman ganoon. Pero ang gustong sabihin, kahit mayroon silang hindi pinagkakasunduan, mas marami pa ring dahilan na puwedeng pagkasunduhan. At dapat alam lang nila, may paniniwala si Vice na hindi naniniwala si Mayor; may paniniwala naman si Mayor, iba pagtingin ni Vice. Okay lang iyon. Respetuhan, pero mas maigi na kahit may mga hindi pinagkakasunduan, hanapin iyong mas— Ako, sigurado akong mas maraming dahilan na pagkasunduan.

OVP: Okay, thank you, Vice President!

– 30 –

Comments(0)

    Leave a Comment