Loading...
Loading...

[Transcript] Interview with Vice President Leni Robredo at OVP Consultation with Urban Poor on Rice Prices and Supply

Baseco, Manila 

Q: Ma’am, reaction lang po natin dito sa bigas—ano po ang observation natin?

VP LENI: Ito kasi, maraming grupo na pinapaabot sa amin iyong pagkabahala sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas. Kaya kami naman, kailangan may gawin kami kasi dinudulog sa amin iyong problema. Pinag-aaralan talaga namin. In fact, marami na kaming grupong nakausap. Ito, isa lang ito sa series ng pag-uusap. Noong umuwi ako sa Camarines Sur noong nakaraang linggo, kausap namin iyong mga retailers naman iyon. Noong Friday, nagpatawag kami sa opisina ng mga leaders ng iba’t ibang grupo ng mga magsasaka. Pareho iyong hinaing: na iyong kawalan ng NFA Rice sa market, iyon talaga iyong nagpapataas ng presyo ng bigas. Kaya iyong talagang sigaw ng lahat, ibalik iyong NFA Rice. Ang problema, wala talagang available. Like sa amin, noong tinanong namin iyong NFA, dapat sana 100,000 iyong kaniyang buffer stock, pero at the time na nagtanong kami, 4,000 lang iyong nandoon. Wala silang mailabas doon sa market para sana mapilitan na maibaba iyong presyo.

Maraming pinag-aaralan na solusyon. Marami ding pinag-aaralan na modelo. Halimbawa, ngayon, iyong parang prevailing na mungkahi sana, mag-intervene na iyong national government sa NFA, na sana maglabas na ng subsidy sa NFA, para mataasan iyong pagbili ng bigas. Ang bili ng NFA ngayon, 17 [pesos], pero iyong bili ng commercial mas mataas, so talagang walang nagbebenta sa NFA. Wala namang rice shortage, pero iyong kawalan ng murang bigas, iyon iyong problema.

Iyong problema ng mga magsasaka, isa pa din. Noong mineeting namin iyong mga grupo ng mga magsasaka noong Friday, ang reklamo nila, iyong nakakadiretso lang sa NFA at sa mga rice millers, iyong mga either mga magsasaka na nakakaangat na iyong buhay, o iyong mga traders. Pero iyong bili sa maliit na magsasaka, sa mga farm nila, iyong bili ng mga traders sa kanila, as low as 13 or 14 [pesos] per kilo. At nangyayari daw ito kasi baon na baon na talaga sila sa utang. Ano na sila, talagang nakatali na iyong kamay nila sa mga traders. Wala na silang choice kundi ibenta sa traders. Una, grabe na iyong utang nila. Pangalawa, wala na silang means na dalhin ito sa… dalhin siya sa NFA o sa rice millers. Humihingi sila ng tulong sa inputs, humihingi sila ng tulong sa post-harvest facilities. Marami talaga iyong kailangan.

Kaya iyong sa akin lang, binabalak talaga naming buuin iyong mungkahi. Iyon. Pinag-aralan namin kung ano iyong ginagawa sa mga lugar na walang problema. Gaya ng Isabela. Ang Isabela ngayon wala siyang problema sa stocks, kasi iyong provincial government tumulong na sa NFA. Ang bili na ngayon ng NFA doon, 22 [pesos], pero dahil iyon sa subsidy ng provincial government. Iyong sa akin lang, kung nagawa nga ng provincial government ng Isabela, walang dahilan para hindi gawin either ng ibang local government units o ng national government. So ngayon, marahil marami pang mga halimbawa na puwede nating sabihing best practice, na makakabuti talaga siya sa pagbaba ng presyo, or puwedeng maging modelo iyong ginawa sa Isabela.

Ito, siguro by next week makukumpleto na namin iyong consultations. Gaya ng sabi ko, isa lang ito sa series. Pero ito… kapag consumers na kasi iyong kausap mo, talagang pipigain iyong puso mo, kasi gaya kanina, iyong sinasabi nila, “Kung dati kumakain kami ng tatlong beses isang araw, baka ngayon isa na lang.” Kasi, ayon, sidecar driver lang iyong kaniyang asawa. Talagang halos buong budget… buong budget ng pamilya nasa pagkain. Kapag ganito pang kataas iyong presyo ng bigas, talagang walang kalaban-laban iyong mahihirap.

Iyong sa akin lang, iyong ating panawagan lang as of now, i-pull na ng NFA management saka ng NFA Council iyong acts together, kasi matagal na itong problemang ito. Hanggang hindi sila nag-aayos at hanggang hindi sila nagkakasundo kung anong gagawin, iyong mahihirap talaga iyong apektado.

Q: So magkano, Ma’am, lumalabas dito sa price na nakukuha nila? Iyong mga tao dito?

VP LENI: Dito, iyong nabibili nila dati 37 [pesos]. Ngayon 42 [pesos] hanggang—Iyong nabibili daw na 40 [pesos], napakapangit, halos hindi makain. So iyong kayang makain— Kanina, nasa palengke kami ni Senator Bam [Aquino]. Iyong kuwento talaga doon iyong 42 [pesos] dahil iyon iyong medyo nakakain—‘di ba, Sen?—iyon iyong nakakain. So kahit may available na— Mayroong isang tindahan doon, mayroon siyang 38 [pesos] saka 39 [pesos], pero sabi niya halos walang bumibili kasi hindi talaga siya makain.

So ito, ito sana iyong pakiusap natin. Iyong Senado, mayroon ding ginawang pag-aaral. Iyong aming opisina, mayroon ding ginagawa. Gaya ng sabi ko, sana by this week mailabas na natin.

Ngayon kasi iyong inaasahan nating solusyon, June pa dadating—iyong importation natin from Vietnam. Nakakaawa iyong mga tao, maghihintay pa from now until June, kasi matagal-tagal pa ito. Tapos iyong dadating pa sa June, good for seven days lang—Sen?—na buffer stock. Kulang pa din. Magdasal tayo na walang calamity na dumaan, kasi kapag may calamity na dumaan… iyong aking understanding, iyong buffer stock ngayon nasa 1.7 days lang; ang ideal, 15 days. So kailangang solusyonan na natin sa lalong madaling panahon.

Q: Ma’am, on another issue, kung okay lang po. Kumusta po iyong pagkikita niyo ni Presidente sa PMA?

VP LENI: Okay naman. Every time naman na nagkikita kami, civil naman. Nagbigay-galang naman ako pagdating niya, saka pag-alis. Siya naman, very civil naman.

Q: Did you get to talk to him?

VP LENI: Hindi. Ano lang, kumusta lang. Pero after that—Ano din kasi, parang most of the time nakatayo din siya dahil siya iyong nagbibigay ng diplomas sa graduates. Mayroong 282 na graduates kanina—kahapon. Napakarami talaga. Walang chance na makapagkuwentuhan. Hindi din ako kasama doon sa lunch; mayroon siyang pa-lunch doon sa mga graduates saka sa mga magulang. Pero okay naman.

Q: Hindi naman po kayo nagtampo doon, Ma’am? Okay lang po talaga?

VP LENI: Okay lang. Sa akin naman, nandoon ako kasi bahagi iyon ng aking obligasyon. Mahirap man iyong environment, kailangan kong gawin kasi trabaho iyon. Sa atin naman, ganoon naman parati iyong iniisip—maraming kahirapan ngayon pero nandito ako para magtrabaho. So hindi dapat sagabal iyong kahirapan sa obligasyon natin.

Q: Ma’am, last issue na lang. Iyong ICC, medyo contradicting kayo ng pananaw. Did you want to talk to him about it, or hindi na?

VP LENI: Sa akin nga, hindi nagkaroon ng chance. Mayroong kaunting confusion lang from his speech yesterday, kasi parang sinabi niya sa speech kahapon, sinabi niya lang iyong pagwi-withdraw pero hindi naman talaga kailangang mag-withdraw kasi hindi naman tayo… parang hindi na-perfect iyong ating membership. Nalito lang ako kasi lumabas sa news—actually kagabi ko nabasa—na na-receive na ng ICC iyong withdrawal.

Pero iyong sa akin, nakakabahala iyong statement na magwi-withdraw, kasi ang implication noon para sa bansa natin far-reaching. Una, iyong reputasyon natin sa international community, affected. Iyong capacity natin na panindigan iyong ating mga obligasyon, apektado. Pangatlo at pinakamahalaga, ang tanong natin: Bakit ba nagmiyembro tayo in the first place? Nagmiyembro tayo in the first place kasi naniniwala tayo na kinakailangang ang mga bansa, magkaroon ng safety net, na kung magkaroon siya ng mga abusive leaders, mayroon tayong ibang madudulugan. Iyon naman iyong pinakadahilan kung bakit tayo nagmiyembro. In fact, mayroon tayong representatives na actively nag-participate para mabuo iyong Rome Statute. Alam natin na until now, mayroon tayong permanent representative, si Dean Raul Pangalanan. Naalala natin, for a time, ni-nominate natin si Senator Miriam Defensor Santiago para maging miyembro noon. So mahalaga, mahalaga iyong pagmimiyembro natin, at hindi… parang hindi dapat dinadaan sa init ng ulo iyong pagwi-withdraw o hindi, kasi iyong implikasyon nito hindi lang sa atin, pero pati iyong future generations.

Q: Okay, Ma’am, thank you very much!

VP LENI: Salamat, salamat.

– 30 –

Comments(0)

    Leave a Comment