Loading...
Loading...

Transcript of Interview with Vice President Leni Robredo at Dona Remedios Trinidad, Bulacan

Office of the Vice President

11 September 2017

40th founding anniversary of Doña Remedios Trinidad, Bulacan

 

Q: Iyong celebration ng mga Marcoses sa Ilocos, ano po iyong pinaka-wish ninyo?

VP LENI: Wish?

 

Q: Opo.

VP LENI: Wala po akong wish sa kanila. [laughs]

 

Q: Ma’am, yesterday in Ilocos Norte, Governor Imee Marcos was heard saying na former senator Bongbong Marcos will become the vice president in the soonest possible time. What can you say about that?

VP LENI: Matagal na nila iyang sinasabi. Matagal nang nililinlang iyong mga tao. Ito naman, iyong pinakahuling desisyon ng Supreme Court, ipinapakita na hindi sila nagsasabi ng totoo.

Maraming mga kasinungalingan na pinapapaniwala sa tao. Ito naman, iyong unfolding ng events, pagpapakita na lahat ng sinasabi nila, hindi totoo.

 

Q: What’s the status po of the pending petitions pa ng camp ng mga Marcoses?

VP LENI: Ano iyon?

 

Q: Iyong petitions po nila so far, ano iyong status sa Supreme Court?

VP LENI: Iyong status, mag-uumpisa pa lang. Pero iyong pinakamalaki kasi doon sa three causes of action, na-dismiss na. Iyong pinakamalaki, iyon na-dismiss na, iyong allegation nila na nagkaroon ng dayaan. Iyong allegation nilang naging madumi, iyong allegation nilang maraming… maraming hindi naging tama doon sa eleksyon. Parang sinabi ng Supreme Court na, “Mali kayo, kasi iyong nakaraang eleksyon ay malinis.” Malinis, walang dayaan na nangyari.

Iyong pangalawa, parang revision. Ito kasi, malaki iyong bagay na na-dismiss iyong una, kasi iyong second saka iyong third, parang hinged din doon sa una. Parang sinasabi niya doon sa revision, may mga presinto na kailangang rebisuhin—

Hindi ko kasi puwedeng i-discuss isa-isa kasi bawal ko i-discuss iyong merits ng kaso, kasi nasa korte ito. Pero hintayin na lang natin, kasi ako, naniniwala ako na kung ano iyong totoo, iyon iyong lalabas. Gaya noong nangyari noong nakaraang linggo, na iyong matagal na nilang claim, sinabi ng Supreme Court na, “Mali kayo.”

 

Q: Ma’am, going back doon sa 100th birth anniversary ni former President Ferdinand Marcos. The family is trying to make the day a national holiday. What can you say about this? Is that right?

VP LENI: Iyong sa akin kasi, kahit sinong pamilya… Kahit sinong pamilya, mayroong karapatan na i-honor iyong mga namatay na members ng family in the manner that they want.

Ang nakakalungkot lang, na ginagawa itong national holiday, or parang celebration para sa buong bansa, kasi parang kinakalimutan natin iyong lahat na kasalanan na nagawa sa taumbayan.

Parang nire-revise iyong kuwento, nire-revise iyong kasaysayan, na hindi naman dapat. Ako, kung pamilya kayo, okay lang naman na i-celebrate niyo sa paggunita… sa paggunita ng araw ng inyong namatay. Pero kapag sinasabi mo na kailangan ipagbunyi ito—iyong buhay niya kailangang ipagbunyi ng ating bansa—iyon iyong mali.

Kasi iyong kasalanan sa bansa, hindi pa iyon napapawi, lalong lalo na kasi iyong mga ninakaw sa ating bayan ay hindi pa nababalik. Hindi naman kanila iyon. Pera iyon ng taumbayan. Na kung sinasabi mong mahal mo talaga iyong bayan, sana may pagsisisi at pagpapakita ng—alam mo iyon?—iyong desire na magbago, iyong pag-amin ng kasalanan, pagpakita na talagang pinagsisisihan iyong ginawa.

Pero hanggang ngayon walang ganoon. So bakit kailangan nating ipagbunyi bilang isang bayan iyong naging buhay ng yumaong pangulo?

 

Q: Ma’am, the willingness of the family to return some gold bars. What can you say about that?

VP LENI: Kung ibabalik, ibalik na. Kasi iyong desire na ibalik, kung talagang nandiyan siya, walang kundisyon.

Pero kung ang kundisyon, immunity, tanggapin muna iyong kasalanan. Kasi paano magkakaroon ng forgiveness kung wala namang humihingi ng tawad? Paano magkakaroon ng immunity kung sinasabi nila wala namang kasalanan?

Iyong sa akin lang, parang may kalituhan, kasi sabi ng ating Pangulo, mayroong ganoong offer. Pero sabi noong pamilya walang ganoong offer. Ang tanong ko lang, gusto bang sabihin ng pamilya Marcos, nagsisinungaling iyong ating Pangulo? Kasi parang nililito naman nila tayo.

 

Q: Last na lang, Ma’am: On the recent killing involving minors, is your office going to do any efforts related to that? Mayroon po tayong gagawin, Ma’am?

VP LENI: Iyong sa atin kasi, iyong pagkamuhi… iyong pagkamuhi na pati mga bata ay hindi nakaligtas. Tayo bilang Pilipino, mula’t saput alam natin, o binibigyan natin ng malaking halaga, iyong buhay ng kahit kanino man. At nakakalungkot na sa ngalan ng kampanya laban sa ilegal na droga, napakaraming buhay ang kinitil. Napakaraming buhay ang binuwis na hindi naman kailangan.

Matagal na natin itong sinasabi. Nagsisimula pa lamang iyong kampanya, matagal na nating sinasabi na iyong lahat na ibang bansa na ito iyong istratehiyang ginamit, hindi naging matagumpay. Bakit ganiyan pa din iyong istratehiyang gagamitin natin?

Kaya tayo, marami nang buhay na ibinuwis. Nakikiusap muli tayo. Nakikiusap muli tayo, lalong lalo na sa kapulisan, kasi nasa kamay nila iyong pag-implement nito, na sana mangibabaw pa rin iyong mga mabubuti. Iyong mga mabubuti sa institusyon.

Naniniwala tayo na mas madami pa din na mas mabubuting mga pulis. Mas madami pa din iyong mga pulis na talagang nandiyan para gustong gawin nang tama iyong kanilang trabaho. Sana hindi nila hayaan. Sana hindi nila hayaan na masira iyong buong institusyon ng ibang mga kasamahan nila na iba naman iyong paniniwala.

Nakakalungkot kasi dahil sa masamang pamamaraan ng ibang miyembro ng kapulisan, iyong buong institusyon dinadamay. At ito, malaki iyong dagok nito sa atin bilang bansa dahil sila iyong inaasahan natin na, ‘di ba, magpo-protect sa atin. Kung wala na tayong matitiwalaan, kanino pa tayo hihingi ng saklolo?

Kaya iyong sa akin, mas pakiusap. Pakiusap sa mga mabubuting elemento ng kapulisan: Alam ko po na mas madami pa din kayo. Sana hindi ninyo hayaan na sirain ng inyong mga kasamahan iyong institusyon na matagal niyo nang pinaglalaban.

 

Q: Ma’am, kung pumayag po, kung sakali, na humingi ng kapatawaran ang mga Marcos at ibalik nila lahat ng mga yaman na sinasabing ninakaw, payag na po ba kayo doon sa immunity? Kalimutan na natin lahat? Iba ho kasi iyong immunity, iba din iyong kakalimutan na natin lahat. Ano ho iyong sa inyo?

VP LENI: Ako, hindi din po ako payag. Hindi din ako payag kasi ilang taon na ba tayong naghihintay? More than 31 years. More than 31 years na tayong naghihintay.

Iyong yaman na iyan—iyong nakaw na yaman—pag-aari iyan ng tao. Ang dami nating mga kababayan na naghihirap, na kung kayo, gusto niyo talagang makatulong… Sinasabi niyo mahal niyo iyong bayan. Dapat matagal niyo nang ginawa. Dapat kung iyong pagmamahal na iyon galing sa inyong puso, isasauli niyo iyon nang wala kayong hihingiing kapalit.

Iyong sa akin lang, parang nakakainsulto kasi. Nakakainsulto na may usapin ng immunity, na matagal na— Unang una, dine-deny nga nila na kinuha iyon sa kaban ng ating bayan. Parang patuloy pa din na… Iyong pinaggagawa ng mga naiwan sa pamilya, patuloy na parang pinipilit tayo na hindi natin makalimutan iyong pinaggagagawa nila noong araw.

Iyong sa akin lang… Sabi ko nga, 31 years na iyong nakalipas. Hindi ba parang sapat na panahon na iyon para kung gusto sanang mag-make amends, ginawa na? Pero hanggang ngayon, parang iyong kasinungalingan nandiyan pa din. Iyong pilit na makabalik sa kapangyarihan nandiyan pa din. Gagawin iyong lahat—pandaraya, pagsisinungaling, panlilinlang—para lang makabalik muli sa kapangyarihan.

Parang hindi naman na siguro natin kasalanan kung hanggang ngayon hindi tayo tumitiwala. Sa akin lang, kung totoo, iyong sincere iyong parang desire na ibalik kung anuman iyong nandiyan, ibalik na sa lalong madaling panahon at walang kundisyon.

 

Q: Thank you, Ma’am.

VP LENI: Thank you.

 

– 30 –

Comments(0)

    Leave a Comment