Loading...
Loading...

Transcript of Press Briefing of Atty. Barry Gutierrez and Georgina Hernandez

20 March 2017

[Transcript] Press Briefing of Atty. Barry Gutierrez (Legal Adviser to Vice President Leni Robredo) and Georgina Hernandez (Spokesperson, Office of the Vice President)
Quezon City, 20 March 2017

Barry: Ni-request lang namin itong maiksing briefing na ito para i-present ang sulat na ipinadala ng Office of the Vice President last January 24 both sa DILG OSEC at sa office ni Police Director General dela Rosa sa Philipine National Police particularly since kaninang umaga apparently nagsalita si Director General Dela Rosa at sinabi niya na hindi daw siya nakatanggap ng sulat mula OVP.

Malinaw na malinaw dito sa letter na hawak ko ngayon, bibigyan namin kayo ng kopya, na this was sent January 24 and was officially received by the DILG OSEC and the PNP January 30 at sa sulat na ito humihingi si Vice President Leni Robredo ng ilang mga datos at mga dokumento relating sa ongoing campaign against drugs being conducted by the Philippine National Police at ang kanyang malinaw na sinabing kadahilanan sa paghingi ng mga dokumentong ito ay dahil sa mga nakaraang mga linggo mga nakaraang mga buwan sa kanyang pag-iikot sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas, maraming lumapit sa kanya na mga ordinaryong Pilipino na humihingi ng tulong, nag-raraise ng concerns tungkol sa kanilang experience with the drug war.

At dahil dito kinakailangan niya ng mas malinaw na perspektibo tungkol dito sa usapin na ito at dahil dito humihingi siya ng assistance sa PNP in securing the necessary data and necessary documents.

Siguro epilogue lang sa pagpadala ng sulat na ito, although it was received January 30 by both the DILG and the PNP wala kaming nakuhang kahit anumang kasagutan dito sa request na ito.

So kaninang umaga noong binanggit ni Director General Dela Rosa na sila ay hindi nakatanggap ng sulat at kung nakatanggap man daw sila ay ito ay dapat naaksyunan, e ang sagot namin una nakatanggap kayo ng sulat malinaw na malinaw noong January 30 at pangalawa, kahit nakatanggap kayo ng sulat hindi ninyo ito kinilusan.

Mahigit isang buwan na ang nakalipas, buong buwan ng Pebrero matatapos na po ang Marso, dalawang linggo na lang po ang naiiwan wala pa rin kaming nakukuhang sagot sa mga request na ito.

Ito ay para lang maklaro for the record kung ano iyong binanggit na sulat na pinadala sa Philippine National Police, ito yung malinaw na ebidensya na may ganoong klaseng request na January pa lang ay napadala na sa PNP at kinaklaro din namin na hanggang ngayon wala pa rin kaming natatanggap na official response from either the DILG and of the Office of the Philippine National Police.

Question: Will the VP present any cops that are involved in palit ulo?

Barry: Sa kasalukuyan, ipapaalala lang namin na ang kuwento ng palit ulo ibinahagi kay Vice President Robredo noong siya ay nakipag-meeting sa ilang community leaders na mayroon ng mga direktang karanasan sa ganyang klaseng mga scheme.

Sa dulo kasi kung i-prepresent sa Philippine National Police itong mga kuwento ng ating mga kababayang ito baka hindi ma-address iyong takot nila kaya bakit sila hindi lumapit sa pulis in the first place.

Mismong ang ating Presidente ang nagbanggit na sa kanyang tantya, 40 percent ang kasalukuyan ay scalawags kaya hindi mo rin siguro masisisi na marami sa ating mga kababayan lalo na iyong mga mahihirap na communities ang natatakot na lumapit sa pulis kasi hindi mo alam na baka mamaya iyong pagsusumbungan mo ay bahagi pala doon sa krimen.

O sa maling bagay na sinusumbong mo in the first place so bago kami lumapit officially sa Philippine National Police siguro dapat muna makonsulta muli iyong mga nag-bring up nito in the first place kung willing na sila actually na masamahan at mag come forward dahil siyempre kailangan ito ay i-bibring up officially yung testigo mismo ang haharap sa PNP.

So iyon muna ang kailangang ma-resolve muna siguro.

Question: Ma-tratrace ba iyong mga lumapit kay VP para lang may basis yung sinasabi ni VP na may palit ulo?

Georgina: Kilala naman po namin sila at sa totoo lang may komunikasyon naman po ang aming opisina sa kanila pero nirerespeto po namin ang request ng mga pamilya na sa ngayon hindi pa sila handang lumantad sa takot na din para sa kanilang buhay.

Tulad nga po ng sinabi ni Atty. Barry na hindi sila sigurado kung magiging ligtas ang paglantad nila at dahil dito ay hindi po natin mapipilit na lumabas ang mga pamilyang pinag-uusapan natin.

Question: May effort po na ang OVP na i-convince yung mga biktima na lumantad?

Barry: Patuloy naman… Actually simula pa lang ng humarap sila kay VP andoon na agad iyong encouragement namin na humarap kayo dahil sa dulo ang solusyon sa problemang ito ay kailangan talagang may tetestigo.

Magmamatapang at haharap sa ating mga awtoridad pero sa kasalukuyan, ang tanong dito ay papaano tayo makakasiguro na ang pagsusumbungan ay talagang kikilos para protektahan ang mga taong ito.

Sa kasalukuyan, patuloy ang conversation at tingin ko naman at some point hopefully maging willing na humarap ang mga tao na ito para maiusad at makatulong sa mga on going na mga aksyon na dapat gawin sa loob mismo ng pulisya para ma-address ang issue na ito.

But right now ang nangingibabaw na kanilang konsiderasyon ay yung sarili nilang proteksyon. Iyong takot na para sa kanilang buhay, iyong takot na baka sila ay buweltahan, iyong takot na baka mamaya iyong kanilang pagsusumbungan iba yung magiging, maglalagay sa kanila sa harms way.

Question: Sabi kanina ng isa sa VACC the Vice President should apologize, will she apologize?

Georgina: Wala kaming nakikitang rason para humingi ng tawad. Sa totoo lang ang ginagawa ni VP dito ay bigyan ng boses ang mga ordinaryong mga pamilyang Pilipino na walang malapitan at natatakot sa kanilang buhay.

Kung mayroon man siyang ginagawa dito ay unti-unting nagbibigay siya ng lakas ng loob para sa mga pamilyang nawawalan ng loob at hindi nila alam kung makakakuha sila ng hustisya sa mga nangyayari sa kanilang buhay.

Itong lahat bahagi ng mandato ng Pangalawang Pangulo na ilabas ang katotohanan at ipakita sa mga tao na natatakot na sila po ay may masasandalan kay VP Leni.

Question: Ginegeneralize daw ng OVP ang nangyayaring palit ulo, gaano karami na ba ang na-receive na reports ng OVP?

Georgina: Last year pa po simula noong umiikot si VP Leni sa programang Angat Buhay alam ninyo naman po na kada linggo may nakakasalamuha siya na mga pamilyang nasa laylayan.

As early as August, September noong umiikot siya may mga nag-rereport na din po kay VP Leni noon at ito ang nagdulot na magpadala ng sulat sa DILG copy furnished sa PNP at di pa nagtapos sa pakikipag-usap niya sa mga tao sa komunidad mayroon pang mga lumalapit sa opisina pero di po natin sinasabi na lahat ng PNP ay kabahagi sa pinag-uusapan natin na palit ulo o EJK dahil alam naman po natin na hindi iyon ang katotohanan.

Kung gagamitin po natin iyong mismong salita ni Pangulong Duterte, ang sabi niya 40 percent ang scalawags.

Question: Kanina dineny nila na wala silang na-receive na letter so what does that say sa kanilang office?

Barry: Actually doon nga kami medyo nababahala kasi kung isang sulat galing sa Bise Presidente ng Pilipinas ay hindi mapapansin ng PNP at DILG, eh papaano pa natin maaasahan kung ang ordinaryong Pilipino ay lalapit sa kanila at may reklamo.

So siguro it is incumbent upon them to explain how come there is a letter received by both their offices ng January 30 and yet more than a month na ang lumilipas, walang kahit anumang response.

And in addition sa hindi sumagot mayroon pang denial sa pagkakatanggap in the first place.

Di namin kayang sagutin kung bakit ganoon ang nangyari. Basta ang malinaw dito, nagpadala kami ng sulat. Tinanggap nila ang sulat. Hindi sila sumagot at mayroon pa silang pagtanggi that a letter was sent and received in the first place.

Question: A while ago you mentioned that you are ready to face if in any case the lower house will file an impeachment case against the Vice President. How prepared are you?

Georgina: I’ll ask Atty. Barry to respond to that as our legal adviser.

Barry: Well wala pa naman kaso. So ang klarong lumalabas so far, sa statements halimbawa ni Speaker Alavrez, ang balak nilang gamiting basis if ever ay supposedly yung statements nga ni VP Robredo with regard to extrajudicial killings doon sa ipinadalang video na siya ay nagsalita.

Sa akin, klarong klaro na hindi yun basis for any kind of impeachment. Ang pagsasabi ng katotohanan, ang pag-reiterate actually ng isang statistic na binanggit na, hindi lang ng local media natin kundi ng major news agencies sa buong mundo—New York Times, Aljazeera, The Guardian, Washington Post, etc.—ay hindi impeachable offense.

Telling the truth is not an impeachable offense.

Sa amin, klaro naman. From the start, si VP Leni committed to actually performing her responsibilities as the Vice President of the Phillipines.

True to yung kanyang oath na sinwear to uphold the Constitution, to serve yung ating mga kababayan. Kung ang kapalit nun, may mga tao na sa tingin nila dapat siyang i-harass politically kahit walang batayan, wala naman kaming option kundi harapin yun eh.

Basta sa dulo, malinis ang aming konsensya, malinaw sa kanya kung ano ang kanyang responsibilidad na ginagawa, malinaw sa kanya kung ano ang kanyang publikong pinaglilingkuran, at handa siyang harapin anuman ang consequences ng paglilingkod na iyon.

Question: Are you considering the threats of the Speaker harassment to the VP?

Barry: Well, ganito ang perspective ko diyan eh. Hindi ka ba mababahala na in the absence of a formal impeachment complaint, ang unang nagbukas ng impeachment complaint ay yung lider ng House of Representatives.

Sa aking pagkakaintindi sa Constitution, ang House ay supposedly mag-hehear ng impeachment complaint. Sila ang mag-aassess, sila ang mag-dedetermine kung sufficient in form and substance. Sila ang magbobotohan.

Pero hindi pa nagsisimula yung proseso, yung hepe, yung lider ng House ay mayroon ng pre-judgment.

Talagang nakakabahala yung pangyayaring iyon. In all past impeachments, ngayon lang tayo nakakita na yung Speaker ang nanguna.

Pinangunahan yung proseso, pinangunahan yung pag-present ng evidence. Mayroon na kaagad na paghusga. Mahirap isipin anything other than ito ay political harassment na ginagawa ng ating Speaker.

Hopefully, habang umaandar itong issue na ito, maging mas klaro kung ano ba talaga yung agenda niya sa pag-raise nitong usapin na ito.

Question: How are you planning to deal with the political aspect of this case?

Barry: Well, ganito naman yan. Confident kami doon sa ginawa ni VP Leni. Sa akin klarong klaro na walang impeachable offense nagawa dito.

Truth-telling can never be an impeachable offense.

Giving voice dun sa interes ng mga taong natatakot lumapit sa awtoridad ay hindi impeachable offense.

Pero tama ka, numbers game yan sa dulo. Pero tiwala pa rin kami na kahit na ano pa ang political affiliations ng ating mga elected representatives sa Congress, sa kanilang pag-decide, mangingibabaw pa rin sana yung pagkiling sa prinsipyo.

Yung pag-intindi kung ano ba talaga ang pinoprovide ng ating Constitution. Ibang usapin kung talagang willing na mag-expend ng political capital yung mga magtutulak dito at talagang magkakaroon ng bullying tulad nung ginawa sa Death Penalty vote.

Pero sa akin kasi, umaasa pa rin ako na klaro yung prinsipyong involved dito. And hopefully that will be enough, despite yung current alignment sa House.

Question: Comment po ni President Duterte sa involvement ni VP Robredo sa impeachment case.

Georgina: Natanong na rin po ito kaninang umaga. Yung tingin po namin, unang una, kung yun ang opinyon ng Pangulo, siyempre kailangan po nating respetuhin ‘yun.

Pero una, si VP Leni kahit kailan hindi naman po natin kinakitaan ng pangarap o plano na maging Pangulo. So, walang pinanggagalingan yun o wala ring sapat na basehan yung statement na siya ay nag-aapura o nagmamadali.

Masasabi natin na ang tanging inaapura niya ngayon ay yung maaksyunan yung mga kailangan tugunan dito sa ating bayan.

Yung mga programa na makakatulong sa pangkabuhayan ng mga mahihirap na mga pamilyang Pilipino.

Ang inaapura niya ay yung mabigyang-pansin yung mga pamilyang nasa laylayan, doon sa may kinalaman sa kanilang poverty situation at doon sa mga human rights abuses.

Question: Di ko lang alam kung natanong na. May sinasabi si Gen. Bato na palit ulo, different yata sa sinabi ni VP. Sabi, kung user ka, you need to pinpoint your leader. Ganoon daw yung palit-ulo, mayroong palit-ulo pero ganoon daw yun. Yung kay VP kasi ang sinabi niya, kung hindi niya maiturn over yung suspected drug personality, parang may kukunin sa family.

Barry: Hindi, una klaruhin ko lang. Hindi kay VP yung depinisyon ng palit-ulo na yun. Ito ang ipinahayag sa kanya na pangyayari sa komunidad ng mga nakausap niya mula sa urban poor community. So, ito ay batay sa mga direktang karanasan ng mga tao sa community. Yun yung unang punto.

Pangalawang punto, kung mayroon, kung ganoon ang pagkaka-intindi ng National Police, hindi na namin papakialaman yun.

After all, basta sila’y sumusunod sa batas, sila’y sumusunod sa kanilang rules of procedure under yung PNP Law at iba pang issuances ng Philippine National Police, they should be free to actually perform their duties in the manner that they see fit, so long na sumusunod ito sa mga batas natin.

Hindi na namin gustong pakialamanan yun. Ang gusto lang namin ay ipaabot sa kanila na ito ang sumbong ng mga tao sa baba, na nangyayari ito, ginagawa ito ng mga ilang pulis.

Ang tanong ngayon, ano ngayon ang gagawin ninyo? Hopefully, mag-trigger ito ng isang internal investigation, asikasuhin nila yan.

After all, kagaya nga ng paulit-ulit naming sinasabi, mismong Presidente na natin ang nagsabi na 40% ng mga pulis ang scalawag.

Sana naman maging senyales na ito. Nagsalita na ang ating Presidente. Namahagi na ang ating Bise Presidente ng mga sumbong ng mga tao sa baba.

Sana naman sila na ang mag-take ng initiative na ito ay aksyunan. Para sa dulo, malinis din ang reputasyon at yung pagtingin sa ating PNP sa kasalukuyan.

Question: Sir, clarify ko lang. Is this a cover letter or a stand-alone letter?

Barry: It’s a stand-alone letter. Very, very clear naman yung ating hinihingi diyan.

Question: But there’s no document about palit-ulo or the VP’s version of palit-ulo? There’s no document you presented?

Barry: Wala kasi if you look at the date, January 24 pinadala yung letter na ito. It was received January 30.

Yung meeting ni VP Leni with the community leaders kung saan kinwento sa kanya for the first time yung palit-ulo happened February 3, first week of February. So that happened after this was already sent.

Question: Sir will you ask PNP to respond?

Barry: Well as far as we’re concerned, the very fact na ipinadala namin is already basis para sumagot sila. Sa aking pagkakaintindi, obligasyon nilang sagutin sinumang mamamayan na susulat sa kanila.

Ngayon, kung galing mismo sa Bise Presidente ng Pilipinas yung request, diba dapat we at least deserve the courtesy na sila ay sumagot.

Hopefully, hindi na namin kailangang i-follow up pero at some point ay marerealize nila na kailangan nilang sagutin itong sulat na ito.

###

Comments(0)

    Leave a Comment