1

Kalayaan mula sa Pangambang Magkasakit

2

Kalayaan sa Gutom

3

Kalayaan sa Kakulangan sa Edukasyon

1

Kalayaan mula
sa Pangambang
Magkasakit

2

Kalayaan
sa Gutom

3

Kalayaan sa
Kakulangan sa
Edukasyon

"Narating natin
ang plano sa pagkokonsulta
sa mga eksperto,
mga sektor at
higit sa lahat,
sa harapang
pagsaksi sa dinadaanan ng Pilipino."

- VP Leni Robredo

" Narating natin ang plano sa pagkokonsulta
sa mga eksperto, mga sektor at higit sa lahat,
sa harapang pagsaksi sa dinadaanan ng Pilipino."

- VP Leni Robredo




1. Tigil ang korupsyon, tigil ang anomalya. Mahusay at matinong pinuno sa tuktok ng COVID response strategy.

Mahusay at matinong pamumuno ang kailangan para matuldukan ang pagdurusa ng taumbayan dahil sa COVID. Pipili tayo ng may pananagutan, kayang pasunurin ang buong burukrasya, nauunawaan ang mga proseso, may kaalamang teknikal, at may malasakit sa taumbayan.

Susuportahan siya ng isang team ng mga eksperto, kabilang na ang mga kasalukuyan at permanenteng empleyado ng DOH. Susuriin at pagagandahin nila ang mga programa ng DOH. Patitibayin nila ang sistemang pangkalusugan. Magtatalaga din tayo ng maayos na liderato sa PhilHealth-- mga taong eksperto sa health insurance at may malinaw na pag-unawa sa tungkulin ng institusyon.

Gagawing mas kaunti ang kasapi ng Inter-Agency Task Force (IATF), ayon sa Executive Order 168, s. 2014, para maging mas mabilis ang pagpapasya at pagkilos nito. Sisiguruhin ang konsultasyon sa iba’t ibang grupo ng mga dalubhasa, para ang mga protocols at polisiya ay nakabase sa siyensya. Magtatalaga ng kinatawan na ang magiging pangunahing tungkulin ay pagtutok sa mga pangangailangan ng lokal na pamahalaan.

2. Alaga sa mga nag-aalaga. Sapat na sahod para sa frontliners, at sapat na suporta sa mga ospital. Para kung magkasakit ka, hindi mo kailangang pumila.

Lahat ng benepisyong nakasaad sa Magna Carta for Health workers, kabilang na ang hazard pay, ay agarang makakarating sa healthcare professionals. Gagamitin ang lakas ng ehekutibo para palawakin pa ang mga benepisyong ito-- kabilang na ang libre at regular na COVID testing; bayad na COVID sick leave bukod pa sa sick leave; medical insurance; at allowance para sa pagkain at transportasyon.

Sisiguruhin ang regularisasyon ng mga healthcare workers, at ie-exempt sila sa Personnel Salary Cap. Tamang sahod para sa tamang serbisyo, para ang healthcare worker na Pilipino, hindi na mapilitang mangibang-bansa para mabuhay nang may dignidad.

3. Libre at accessible na healthcare. Libreng konsulta gamit ang teknolohiya. Bawat barangay handa at may nurse.

Malawakang E-Konsulta system

Makikipag-partner ang pamahalaan sa mga sanay na pribadong service providers para palawakin ang telemed consultation service na ipinatupad na ng OVP ngayong pandemya. Kayang kumpletuhin ang buong bansa sa loob ng dalawang taon. Sa ganitong paraan, hindi na kailangang pumunta sa ospital ng mga nais kumonsulta at magpa-regular checkup; makakaiwas sila sa panganib na mahawa sa COVID. Bawat barangay, bibigyan ng device para siguruhing maseserbisyohan ng E-Konsulta ang mga nasa liblib na lugar.

Pagpapalaganap ng Testing

Gagawin nating accessible sa mas nakararaming Pilipino ang testing para maabot ang 5% positivity rate na inirerekomenda ng World Health Organization (WHO). Gagawin nating normal na mas mababa sa 5% ang positivity rate, na bihirang mangyari sa ngayon. Kung may spike, mayroon agad dagdag na testing para maibaba sa 5% ang positivity rate sa lalong madaling panahon.

Gagawa tayo ng libre at ligtas na mobile testing system para sa mga komunidad na may mataas na kaso ng COVID. Makakukuha ng pandalawang-linggong ayuda ang lahat ng mag-positibo-- sapat para hindi na sila mangamba sa kakainin ng pamilya habang nasa ilalim sila ng quarantine.

Pagpapatupad ng Universal Healthcare

Pebrero ng 2019 pa naging batas ang Universal Health Care Law (UHC) ngunit naging mabagal ang implementasyon nito. Pabibilisin natin ito: Sa loob ng tatlong buwan, ie-enroll natin ang bawat Pilipino sa UHC. Gagamitin natin ang national ID system kaya hihimuking magpatala ang bawat Pilipino dito. Kaakibat nito ang paggawa ng isang epektibong Health Information System kung saan konektado ang Healthcare Provider Network, kasama na ang electronic medical records (EMRs), at telemedicine. Aatasan ang mga barangay na magsagawa ng malawakang health assessment sa kanilang mga sinasakupan para tama at updated ang datos ng mga residente sa Health Information System. Sa ganitong paraan, magkakaroon ng mabisang gabay sa pagtukoy ng mga akmang community-based interventions base sa mga karaniwang uri ng sakit sa bawat komunidad.

Habang nagpapatala ang mga tao, magsisimula nang makipag-partner ang pamahalaan sa health service providers sa lokal na antas; gagamitin natin ang PhilHealth para siguruhing maihahatid ang libreng serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad.

Itaas ang Kapasidad ng mga Ospital

Hindi na pipilahan ang mga ospital. Pupunan ang kakulangan sa mga hospital beds sa bansa. Sa ngayon, ayon sa UP COVID-19 Pandemic Response Team, nasa 0.6 hospital beds lang ang mayroon para sa bawat 1,000 Pilipino-- at mas mataas ang nasa mga rehiyon tulad ng National Capital Region (NCR) kumpara sa iba.

Region Hospital Beds per 1,000
National Capital Region (NCR) 1.4
Cordillera Administrative Region (CAR) 0.7
Region I – Ilocos 0.5
Region II - Cagayan Valley 0.5
Region III - Central Luzon 0.5
Region IV-A – CALABARZON 0.5
Region IV-B – MIMAROPA 0.1
Region V – Bicol 0.3
Region VI - Western Visayas 0.6
Region VII - Central Visayas 0.7
Region VIII - Eastern Visayas 0.3
Region IX - Zamboanga Peninsula 0.4
Region X - Northern Mindanao 0.6
Region XI – Davao 0.9
Region XII – SOCCSKSARGEN 0.5
Region XIII – Caraga 0.4
Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) 0.3

Malayo ito sa ratio ng hospital bed sa populasyon ng mga kalapit nating bansa tulad ng Singapore (2.5 beds kada 1,000) at Vietnam (2.6 beds kada 1,000). Ilalapit natin ang ating ratio sa mga bansang ito para makalapit din tayo sa epektibo nilang pagtugon sa pandemya.

Agaran tayong bubuo ng malinaw na imbentaryo ng imprastrakturang pagkalusugan sa buong bansa; pag-aaralan natin ito para matukoy kung saan may kulang na pasilidad, healthcare worker, o kagamitan. Ang layunin natin: May maayos na tertiary hospital sa bawat rehiyon at, sa kalaunan, sa bawat probinsiya, para hindi na kailangang bumiyahe pa ng malayo o lumuwas ng Maynila kung kailangan ng mas mataas na antas ng medikal na atensyon. Paiigtingin natin ang operasyon ng mga pasilidad na ito: Magha-hire tayo ng mga tao, bibili ng kagamitan, at aayusin ang shifting ng mga doktor at nurse. Sa mga rehiyon na kulang ng mga hospital beds, magtatayo tayo ng mga field hospital. Ang magiging layunin natin: Hindi lalampas sa 1:800 ang ratio ng hospital bed sa populasyon, nasaang rehiyon ka man. Tatauhan ito ng mga medical personnel na direktang makakukuha ng payo mula sa mga espesyalista gamit ang makabagong teknolohiya. Sa ganitong paraan, matutugunan ang agarang pangangailangan, lalo na sa panahong magkakaroon ng surge.

Sa medium at long term: Susundin natin ang Philippine Health Facility Development Plan 2020-2040. Magtatatag tayo ng 2,400 Rural Health Units/Health Centers; magagawa ito pagsapit ng 2025. Dodoblehin ang gastusing pangkalusugan, mula sa kasalukuyang antas na P113 bilyon o 0.6 percent lang ng gross domestic product (GDP).

Mag-imbak ng gamot para sa COVID

Titiyakin ang tamang supply ng gamot para sa sino mang tatamaan ng COVID-- lalo na para sa mga malalayong lugar at sa mga walang pambili nito. Mahalaga ito dahil ayon sa ilang ulat, umabot na sa P100,000 kada bote ang presyo ng anti-COVID drug na tocilizumab. Mag-iimbak ang pamahalaan ng iba’t ibang COVID treatment medicines, tulad ng molnupiravir, tocilizumab, remdesivir; dadalhin ito sa mga lugar na may kakulangan ng supply.

Dagdag budget at dagdag tauhan din ang ibibigay natin sa Food and Drug Administration at Health Technology Assesment Council. Gagawin ito para siguradong base sa agham ang binibili nating mga gamot.

Pagsuporta sa Public-Private Partnerships

Papasok tayo sa Public-Private Partnerships (PPP) upang mas mapabilis ang paghahatid ng serbisyo sa taumbayan, tulad ng laboratory exams at emergency services. Makikipag-partner tayo sa mga dalubhasa sa pribadong sektor, pati na ang mga construction firms na may subok na track record sa pagtatayo ng imprastrukturang pangkalusugan. Sila ang magdidisenyo, magtatayo, magpapatakbo ng mga pasilidad na may kinalaman sa kalusugan. Mapapabilis ang pagpapatayo ng mga pasilidad na kadalasan, nagtatagal dahil hindi sapat ang kakayahan ng pamahalaang punan ang tungkuling ito.

Bawat Barangay may Kakayahan, may Kagamitan, at may Nurse

Magkakaroon ng nakatalagang nurse ang bawat isa sa 42,046 barangays sa bansa. Bawat isa sa kanila, may ugnayan, sa pamamagitan ng teknolohiya, sa isang lisensyadong doktor. Ibig sabihin: Bawat Pilipino, nasaan ka man, ay magkakaroon ng agarang matatakbuhan kung may dinaramdam sa katawan-- at hindi na kailangang bumiyahe ng napakalayo para lang kumonsulta sa isang medical professional.

Bawat barangay, magkakaroon din ng isolation area na nakikipag-coordinate sa lokal na hospital. Bibisitahin ang mga isolation areas na ito ng mga espesyalista mula sa mga lokal na ospital. Dito rin pansamantalang mananatili ang mga pasyente habang may COVID.

Habang nasa isolation area, ang mga pasyenteng asymptomatic at may mild COVID symptoms ay aalagaan ng barangay nurse. Regular silang imo-monitor ng espesyalista. Kapag lumala ang kalagayan ng pasyente, agad itong ipapaalam sa lokal na hospital at ililipat ang pasyente sa kanilang pangangalaga.

Bawat Barangay Health Unit, may sapat na kagamitan, sasakyang medikal, at kahandaang maghatid ng serbisyong pangkalusugan. Makakukuha sila ng mga kagamitang medikal tulad ng kama, diagnostic tools, oxygen tanks, communications equipment, at iba pa. Ang lahat ng mga ito ay nakatala sa Manual of Standards for Primary Care Facilities.

Gagawing prayoridad ang pagpapasa ng Professionalizing Barangay Health Workers bill, na ating isinulong na noong tayo ay nasa Kongreso . Sa polisiyang ito, mabibigayan ang BHWs ng tamang training, benefits, sweldo, at pagkilala bilang mahalagang bahagi ng healthcare delivery system.

Ayusin ang PhilHealth

Magbubuo ng team na may kakayahan at integridad para agad na susuriin ang mga bayarin ng PhilHealth. Mamadaliin ang paglalabas ng kanilang report, kasama na ang pagtatala ng mga claims na dapat nang mabayaran agad. Sila rin ang magrerekomenda ng mga hakbang para maiwasan ang naantalang pagbabayad ng PhilHealth. Gamit ang teknolohiya, gagawin nating mabilis at walang red tape ang proseso ng pagkuha ng claims sa PhilHealth.

4. Bakuna para sa lahat. Gobyerno ang pupunta sa komunidad mo.

Tiyak na pondo para sa bakuna

Mahigit isang taon nang tinukoy ang pondo para sa bakuna: P82 bilyon noong 2021, at nasa P60 bilyon na panukala para sa 2022. Pero dahil unprogrammed funds ito, wala pang perang nakalaan para dito. Ang solusyon: Titiyakin natin na may P50 bilyon na kasama sa General Appropriations Act (GAA) bilang programmed funds pambili sa mga bakuna kontra COVID.

Bakuna Distribution Network

Palalakasin ang Local Health Units (i.e., RHUs, BHUs) para makapagbakuna sa kanilang mga lokalidad. Bibili tayo ng tamang kagamitan (hal. cold chain equipment), magdadagdag ng personnel, magsasagawa ng training para sa local health workers, at bubuo ng mas maayos na delivery chain para hindi na maantala ang mga bakuna. Ito ang magsisilbi nating national vaccine distribution network at maaari itong gamitin hindi lang para sa COVID-19 vaccines kundi para sa bakuna ng iba pang sakit. Sa sistemang ganito, mas magiging handa tayo sa pagbibigay ng bakuna at mga boosters, at inihahanda rin tayo nito sakaling may dumating uling krisis. Ang distribution network ding ito ang magsasagawa ng information campaign para mabawasan ang pangamba ng mga tao sa bakuna.




5. Kung may lockdown, may ayuda. At ang lockdown, sa targeted area lang.

Nakahandang Ayuda

Magtatabi ng P216 bilyon mula sa pambansang budget para sa ayuda. Gamit ito, matitiyak na hindi dadaan sa gutom ang mga pamilya, mabibili nila ang kanilang pangunahing mga pangangailangan, at hindi nila kakailanganing sumagupa sa panganib para magtrabaho at kumita ng ipapangkain sa araw-araw. Gagamitin natin ang teknolohiyang pinansyal at ang National ID system para agaran at direktang makuha ng mga tao ang kanilang ayuda.

Granular Lockdowns na Kumpleto ang Suporta

Sa halip na magpatupad ng malawakang lockdown, ipapatupad ang granular at street-level lockdowns. Sa paraang ito, tuloy ang pagkilos at ekonomiya sa mga lugar na may mababang bilang ng kaso. Samantala, ang mga lugar na nasa lockdown (i.e., iyong may mataas na bilang ng kaso) ay sasailalim sa awtomatikong mass testing, contact tracing, at pagbigay ng ayuda upang mapigil ang pagkalat ng virus at magbigay ng agarang tulong sa mga pamilyang apektado ng lockdown.

Kasama sa ayuda ang pamimigay ng food packs na may kasamang sariwang ani ng mga magsasaka at mangingisda na direktang bibilhin ng pamahalaan mula sa kanila.

Epektibong Contact Tracing

Mula nang mag-umpisa ang pandemya, ang contact tracing ay itinuturing na malaking kakulangan sa ating COVID response. Ngayon, bawat Local Government Unit (LGU) ay nagpatupad ng kanya-kanyang sistema ng contact tracing sa kanilang mga nasasakupan na nauuwi sa nakahiwalay na database. Kapag tayo’y umalis sa ating siyudad o munisipalidad at nahawa sa ibang lugar, hindi natin ito malalaman dahil hindi magkaugnay ang database ng dalawang lugar.

Ipatutupad natin ang Centralization, Connectivity, at Uniformity. Ang ibig sabihin ng Centralization: Dapat i-upload sa isang central at pambansang database ang datos na nakakalap ng mga LGU, kahit pa ba iba-ibang app ang gamit nila. Mula dito, mababantayan ang pagkilos ng isang taong nagpositibo sa COVID saanman siya bumiyahe sa bansa. Ang Connectivity naman: Itatakda natin na lahat ng apps ng LGU ay dapat interconnected. Ang app ng LGU mula Luzon ay dapat tanggapin ng isang LGU sa Mindanao. Uniformity: Anuman ang app, parehong impormasyon ang hihingin mula sa lahat. Maglalabas tayo ng template na susundin ng lahat ng app. Sa paraang ito, mas madali para sa database ng central government na ikategorya at bantayan ang lahat ng pasyenteng positibo sa COVID.

6. Protektado ang trabaho. Suportang pinansyal sa maliliit na negosyo para hindi kailangang mag-lay off. Unemployment insurance para ang mawawalan ng trabaho, may tulong na makukuha sa gobyerno.

Suporta sa MSMEs

Mahalaga ang papel na ginagampanan ng MSMEs sa pagpapagulong ng ekonomiya ng Pilipinas. Noong 2020, 70.6 porsiyento ng mga ito ang napilitang magtanggal ng empleyado, kung hindi man tuluyang nagsara.

Para matulungan ang MSMEs na maibalik o maipagpatuloy ang kanilang operasyon, magpapasa tayo ng isang stimulus package na hindi bababa sa P100 bilyon. Isasama natin sa requirements sa grant ang kondisyon na hindi sila magtatanggal ng empleyado.

Bilang isa sa mga sektor na malaki ang naitutulong sa ekonomiya, ang pagbibigay ng sapat at agarang tulong sa MSMEs ay makatutulong hindi lang sa mga empleyado ng mga MSMEs, kundi sa kabuoan ng ating ekonomiya.

Itaguyod ang National Unemployment Insurance Program

Halos 4 milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho mula nang magkaroon ng pandemya. Marami dito, dahil sa malawakan ngunit malabong pagpapatupad ng lockdowns. Ang masaklap pa rito, walang nakuhang suporta mula sa gobyerno ang mga nawalan ng pagkakakitaan.

Lilikha tayo ng National Unemployment Insurance Program na magpapalakas at magsasama sa mga benepisyo ng Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS). Mula dito, bibigyan natin ng suporta ang mga natanggal sa trabaho nang hindi nila kasalanan. Papasahurin ka ng tatlong buwan na katumbas ng 80 porsiyento ng iyong sahod. Sa pamamagitan nito, magkakaroon sila ng panggastos habang naghahanap ng malilipatang trabaho.

Isasama rin natin sa programa ang pagbibigay ng skills training, livelihood grants, at online jobs-matching platforms – mga kasalakuyang programa ng OVP na maaari pang palawakin – para maging mas madali para sa ating mga kababayan ang paghahanap ng mapagkakakitaan.

Proteksiyon sa mga negosyo, manggagawa at customers

Hihikayatin natin ang mas maraming outdoor economic activity upang maiwasan ang pagkakahawa sa mga matao at saradong lugar. Ima-maximize natin ang pakinabang sa mga naririyan nang imprastruktura tulad ng outdoor parks. Gagamitin natin sila para maging pamilihan kung saan maaaring magbenta ang mga tindahan ng kanilang produkto.

Sa paggawa ng infrastructure projects ng publiko at pribadong sektor, isasama natin sa mga konsiderasyon ang paglalagay ng mga proteksiyon laban sa COVID at iba pang nakahahawang sakit. Hihikayatin natin ang paglalagay ng open spaces sa mga ipinapatayong istruktura. Sa ganitong paraan, maibababa natin ang panganib sa mga manggagawa at mamimili dahil sa mas magandang ikot ng hangin.

Pag-aaralan din natin kung paano gagawing mas ligtas, mas konektado, at mas marami ang bike lanes sa iba’t ibang panig ng Pilipinas. Target nating itaas ang pondo para sa programang ito mula P1.6 bilyon patungong P14 bilyon.

Magtatakda ng Occupational Safety and Hazards standards para maprotektahan ang mga manggagawa sa panganib ng virus. Sisiguruhin natin na maayos at tuloy-tuloy ang pagpapatupad nito gamit ang mga atas at regular na pagbisita ng Department of Labor and Employment.

7. Palakasin ang agrikultura. Bukod sa kabuhayan para sa mangingisda at magsasaka, titiyakin natin: Dire-diretso ang produksiyon ng pagkain para sa mga Pilipino.

Babaguhin natin ang prayoridad ng pamahalaan mula sa importation patungo sa pagpapalakas ng lokal na produksiyon. Mag-aangkat lang kapag malinaw na mayroong kakulangan.

Mula nang mag-umpisa ang pandemya, bumaba ang produksiyon ng halos lahat ng sektor. Ngunit sa sektor ng agrikultura, nagkaroon ng paglago na 1.6 porsiyento sa ikalawang bahagi ng 2020 at ng 1.2 porsiyento sa ikatlong bahagi ng kaparehong taon. Nangyari ito sa kabila ng mga malawakang lockdown sa bansa. Malinaw ang aral dito: Matibay ang sektor ng agrikultura sa harap ng mga hamon ng pandemya. Lalo lang itong lalakas kung bubuhusan ng pondo.

Dodoblehin natin ang pondo para sa agrikultura mula 1.7 porsiyento ng national budget ngayon patungong 3.4 porsiyento sa 2028. Kasabay nito ang pagtiyak na magiging mas mataas ang kalidad ng paggastos, na may kasamang pinalakas na pananagutan at transparency. Babalansehin din natin ang paggastos, para matiyak na may sapat na bahagi ng pondo ang pangisdaan, high-value crops, livestock, at pagtatanim ng mais at bigas. Walang maiiwang sektor.

Para mapataas ang kita ng mga magsasaka at mangingisda, titiyakin natin ang direktang pagbili ng pamahalaan sa kanilang mga produkto.




8. Sa mga lugar na mayroong low prevalence ng COVID, buksan na ang mga eskuwela. Sa mga lugar na high prevalence, ang target: mabigyan ng device ang bawat estudyante. Lahat, dapat may libreng internet access sa de-kalidad na educational materials. Susuportahan natin ang mga guro at magulang.

Kinailangang isara ang mga paaralan dahil sa pandemya. Sa ngayon, kasama ang Pilipinas sa mga napag-iwanan sa pagbabalik ng face-to-face classes. Ang resulta, napag-iwanan na rin ang mga estudyante natin. Wala silang maayos na learning environment, at problema ang access sa device at maayos na internet. Katulad din nito ang sitwasyon ng ating mga guro. Hindi rin sila nabigyan ng sapat na suporta para magawa nang mahusay ang online na pagtuturo. Marami sa mga problema ang matutugunan kung maibabalik natin kaagad ang pagtuturo sa mga paaralan.

Para mangyari ito, kailangang maglatag ng malinaw na patakaran sa pagbubukas ng mga paaralan. Ibabatay ito sa isang risk assessment map, na tutukoy kung aling mga lugar ang may low o high prevalence ng COVID. Ang mapang ito ang magbibigay ng impormasyon sa publiko kung saang lugar maaaring magsagawa ng face-to-face classes. Sa ganitong paraan, magiging mas kampante ang mga magulang na pabalikin sa paaralan ang kanilang mga anak.

Magpapatupad ng one student, one device policy sa mga lugar na laging natutukoy bilang high prevelance area. Ilalagay na sa device ang worksheets, modules, at iba pang materyales sa pag-aaral na puwedeng gamitin ng mga estudyante kahit walang koneksiyon sa internet. Makikipag-partner din tayo sa internet service providers (ISP) at telecommunications providers para mas maraming estudyante ang magkaroon ng libreng internet access sa educational websites at online resources.

Maliban dito, maglalagay tayo sa budget ng P68 billyon para sa ayudang pang-edukasyon. Mula dito, makapagbibigay tayo ng 300 pesos kada buwan na may pasok (10 buwan kada taon) sa bawat estudyante, para magamit sa pagpapa-load at pagpapa-print ng modules. Nasa 22 milyong estudyante ang bibigyan natin ng ganitong benepisyo.

Paparamihin din natin ang community learning hubs sa iba’t ibang lugar sa bansa. Sa bawat hub, sisiguruhin na may maayos at mabilis na access sa internet. Maglalagay din ng libreng gamit at iba pang serbisyong pang-edukasyon, tulad ng internet connectivity, computers at printers. Bubuksan natin ang learning hub na ito sa mga estudyante at gurong nangangailangan.

Aatasan din natin ang Department of Education na tulungan ang ating mga guro na apektado ng pandemya. Una, kagaya ng ginawa natin sa health workers, gagawin din nating libre ang regular na COVID testing para sa teachers. Ikalawa, bibigyan natin ang ating mga guro ng sapat at naaangkop na training para magabayan sila sa transisyon mula face-to-face learning patungo sa distance learning.